SUSUYURIN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga workplace o malalaking pribadong kumpanya para sa kampanya ng pamahalaan kontra illegal droga.
Ayon kay DILG Secretary “Benhur” Abalos, Jr, bilang pagtalima sa layunin ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawn (BIDA) program, plano nila na pormal na ilunsad ang BIDA Workplace sa darating na Mayo 25.
Sa kanyang naging talumpati sa signing ceremony ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng DILG at United States Agency for International Development (USAID)-Renew Health, inihayag ni Abalos ang napipintong paglulunsad ng “BIDA Workplace.”
“We are coordinating with the different employers in the Philippines – the big ones. And we are going to sign agreements with them as part of the BIDA Program,” ani Abalos.
Sa ilalim ng pipirmahang mga kasunduan, magkakaroon ng kani-kaniyang programa at polisiya kontra droga ang mga pribadong kumpanya na naaayon sa adhikain ng BIDA Program.
Aniya, isang halimbawa ay ang pagsasagawa ng random drug testing ng mga empleyado.
“If one is found to be positive we will let the company handle the matter and enforce appropriate sanctions such as suspension, dismissal, or they can order their employee to undergo rehabilitation,” dagdag ng DILG chief.
EVELYN GARCIA