(Ikakasa ng DOLE ngayong buwan) 3 MEGA JOB FAIRS

MAGSASAGAWA ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tatlong mega job fairs ngayong buwan upang makatulong na matugunan ang unemployment rate ng bansa.

Ayon kay DOLE, Secretary Bienvenido Laguesma, isasagawa ng ahensiya ang “Bagong Pilipinas Job Fair” sa 69 sites sa buong bansa sa September 13

Hindi bababa sa 915 employers ang nagpatala para sa proyekto, na inaasahang pupunan sa kabuuang 67,022 job vacancies.

Ang top vacancies ay production operator/worker (5,597), customer service representatives (1,420), cashier/bagger/sales clerk (977), laborer/carpenter/painter (502), at waiter/server/cook/service crew (433).

Kabilang sa top industries na lalahok sa job fairs ang manufacturing, business process outsourcing, retail and sales, construction, at financial and insurance activities.

Ang dalawang iba pang job fairs ay idaraos sa September 18-20 sa World Trade Center at September 19-September 21 sa SMX Convention Center.

Noong nakaraang linggo ay iniulat ng Philippines Statistics Authority (PSA) ang paglobo ng bilang ng jobless Filipinos sa 2.38 million noong Hulyo. Ang pagtaas ng unemployment rate noong Hulyo ay dahil sa kawalan ng trabaho ng mga may edad 15 hanggang 24 sa naturang buwan. Maraming bagong graduates mula kolehiyo at senior high school ang hindi nakahanap ng trabaho.

Katumbas ito ng unemployment rate na 4.7%, mas mataas sa 3.1% joblessness rate noong Hunyo.

Ang bilang ng mga may trabaho noong Hulyo ay bumaba rin sa 47.70 million mula 50.28 million noong Hunyo, katumbas ng employment rate na 95.3% mula 96.9% month-on-month.

Naitala naman ang underemployment rate sa 12.1%, katumbas ng 5.78 million ng 47.70 million employed individuals na naghahangad ng karagdagang oras ng trabaho sa kanilang kasalukuyang trabaho, o magkaroon ng iba pang trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho.