KASUNOD ng pag-apruba at agarang pagbibigay ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng cash aid sa mga empleyado ng micro, small and medium enteprises (MSMEs), mag-lalaan din ito ng P120 bilyon bilang credit guarantee upang makautang naman sa mga private commercial bank ang nasa sektor ng small and medium enterprises (SMEs).
Ito ang inanunsiyo ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III nang kapanayamin ni Speaker Alan Peter Cayetano sa Facebook live ng huli matapos ang kanilang pulong kay Presidente Duterte kasama ang ilang dating Health secretaries sa Palasyo ng Malakanyang kamakalawa ng gabi.
Bungad ng lider ng ‘House of the People’ o HOPE, may binabanggit sa kanya ang naturang kalihim tungkol sa maraming programa ng gobyemo bilang pagtulong sa mga sektor ng lipunan na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic, kabilang na ang Social Amelioration Program (SAP) para sa informal sector na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dagdag ni Cayetano, inatasan na rin ni Dominguez ang lahat ng attached agencies ng DOF na umisip ng mga programa na maaaring maisagawa ng pamahalaan sa layong maibsan ang epekto ng coronavirus disease sa pang-araw- araw na kabuhayan ng mga mamamayan, operasyon ng maraming negosyo at maging sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Ayon sa Finance secretary, ang susunod na isasakatuparan ng Duterte administration bilang bahagi ng ‘fiscal stimulus program’ nito ay ang pagtulong sa SMEs na makautang sa private lending institutions kung saan ang pamahalaan ang magbibigay ng garantiya upang mapabilis at maaprubahan ang loan applications ng mga ito.
“We will guarantee a total of P120 billion worth of loans for the SMEs. They will borrow from the bank and then Philguarantee will guarantee part of the loan,” ang sabi pa ni Dominguez.
Sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 58 ni Pangulong Duterte na inilabas noong 2018 at nagkabisa August 31 ng nakaraang taon, itinatag ang Philguarantee o Philippine Guarantee Corporation kung saan pinag-isa na lamang ang Philippine Export-Import Credit Agency (PhilEXIM) at ang Home Guaranty Corp.
Dugtong ng kalihim, iniisip din niya ang paglalaan ng pondo at tulong para naman sa hanay ng private schools, patikular ang mga nagkakaloob ng ‘Study Now, Pay Later’ program sa kani-kanilang mga estudyante.
Bagama’t wala pang nabubuong kaukulang panuntunan, sinabi ni Dominguez na hindi bababa sa P1 bilyon ang maaaring ilaang badget para rito.
Binanggit naman ni Cayetano na sa isasagawa nilang virtual meeting gamit ang isang web-based video conferencing app ng pinamumunuan niyang House Defeat COVID-19 Committee (DCC), katuwang si House Majority Leader Martin Romualdez, para sa Technical Working Group (TWG) ng Sub-committee on Economic Stimulus kahapon ng hapon, ay ilalahad ng DOF chief ang iba pang nakalinyang programa ng gobyerno.
“Dasal mga kababayan, huwag mawawalan ng pag-asa, 24/7 nagtatrabaho ang gobyerno ninyo at ipagdasal n’yo rin ang ating Pangulo. At salamat po, President Duterte, sa trabaho pong ginagawa ninyo,” ang pagtatapos na pahayag ng House Speaker sa kanyang FB live. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.