CAGAYAN – PATAY ang karelasyon ng isang guro matapos na pagbabarilin ng isa sa dalawang suspek dakong alas-9 ng gabi noong Lunes sa bayan ng Ballesteros.
Kinilala ni Master Sgt. Jacob Manalan ang nasawing biktima na si Mark Alvin Sison, nasa hustong gulang, na nagtamo ng tama ng bala mula sa kalibre .45, sa braso na tumagos sa kanyang katawan dahilan ng kanyang kamatayan, habang ang kanyang live-in-partner na si Olivia Turingan ay nag-tamo naman ng sugat sa kanang braso mula rin sa baril ng dalawang suspek.
Nakilala naman ang dalawang suspek sa pamamaril na sina Arnold Ubarre at ang kanyang pinsan na si Lonfelo Duyan, na positibong itinuro umano ni Olivia na sila ang may gawa ng krimen.
Sa imbestigasyon ng PNP Ballesteros, habang ang dalawang biktima na mag live-in-partner ay inihahanda ang mga invitation cards para sa kanilang kasal sa April 8, 2019, ay bigla nalang umanong binuksan ang bintana na tinitirahan ng nobya at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang dalawang biktima.
Nag-ugat umano ang insidente, matapos na magtalo ang ama ni Oli-via at si Arnold Ubarre, sa hindi malamang dahilan, na nasundan pa ng away, subalit naawat naman sila ng kanyang mga kabarangay, bumalik umano ang mga suspek at dito na pinagbabaril ang mag-live-in partner.
Agad naman na nahuli si Lonfelo habang nakatakas si Arnold na isa umanong security guard sa Maynila at bumibisita lamang sa nasabing lugar. IRENE GONZALES