IKALAT PA ANG INTERNET CONNECTIVITY SA MGA LIBLIB NA LUGAR

MATAGAL nang pangarap ng mga Pilipino na bumilis ang internet connection sa bansa.

Pagdating sa internet connectivity, napapag-iwanan na raw tayo ng mga karatig-bansa sa Asya.

Sabi nga, nakakahiya tuloy i-alok ang ganda ng bansa dulot ng kabagalan ng internet natin.

Maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay aminado na 30 percent pa ng populasyon ng bansa ang walang access sa internet.

Ayon kay DICT Sec. Ivan John Uy, maliit lang daw ang budget na inilalaan ng gobyerno sa kanilang tanggapan.

Ito raw ang dahilan kaya malabong maabot ang target nilang populasyon na kakabitan ng internet sa mga susunod na taon.

Bukod dito, nakikita rin nila ang financial at human resources limitations.

Sana nga raw ay madagdagan pa ang budget nila upang mas maraming Pinoy ang maaabot ng kanilang mga programa at serbisyo.

Kahit hindi nga ganoon kalaki ang pondo ng kanilang opisina, nagagampanan pa rin ng DICT ang kanilang mandato.

Katunayan, kamakailan, naglunsad ito, sa pangunguna ni Sec. Ivan John Uy, ng tatlo pang “Broadband ng Masa” sites sa tatlong malalayong lugar sa Zamboanga City.

Si Majority Floor Leader Cong. Manuel Jose “Mannix” Dalipe daw ang humirit sa ahensya para malagyan ng internet connection ang Sacol Island na isa sa mga nasasakupan ng kongresista.

Kung hindi naman ako nagkakamali, ito ang kauna-unahang pagkakataon na personal na pumunta ang isang cabinet secretary gaya ni Uy sa nasabing isla sa Mindanao.

Umangkas pa ng motorsiklo si Uy para marating at makita ang lugar.

Una ngang binisita ng DICT ang Sacol Island para i-assess ang posibilidad na malagyan ito ng stable internet service.

Aba’y natukoy ng DICT sa assessment na kaya ring lagyan ng koneksyon ang mga isla ng Tigtabon at Pangapuyan, pawang geographically-isolated islands sa lungsod.

Sa isang pahayag naman ni DICT Assistant Secretary for Regional Development Maria Teresa Camba, binanggit ng ale na dati na raw talagang mahirap ang basic telecommunications services sa lugar.

Hirap ang mga taga-roon na makatawag o makapag-text man lang.

Dahil walang internet at signal ang mobile phones, kailangan pang sumadya sa city proper ang mga residente para makatawag o makausap ang mga mahal nila sa buhay na nasa malalayong lugar o sa labas ng bansa.

Napakaganda ng ‘Broadband ng Masa’ initiative ng DICT.

Maaari na raw palang magamit ang mga bagong lagay na broadband sites doon.

Sa Sacol Island, ang free internet service ay accessible sa Madrasah, Landang Laum Elementary School, Landang Laum Barangay Hall, at Landang Gua Elementary School.

Maaari na rin itong ma-access sa Pangapuyan Elementary School at sa Pangapuyan Barangay Hall sa isla ng Pangapuyan.

Sa Tigtabon Island naman, naglagay ang DICT ng ‘Broadband ng Masa’ site sa Tigtabon Barangay Hall na pinakikinabangan na ngayon ng mga residente.

Isa pa, wala na ring masyadong nakikitang problema sa telecommunication companies dahil sa pagdami ng cell sites nila.

Napapanahon din ang paglagda ni Pangulong Marcos sa SIM Card Registration Law o ang Republic Act No. 11934.

Tiyak naman na tatanggapin ito ng taumbayan lalo pa’t namumutiktik ang iba’t ibang krimen gamit ang mga cellphones at pagkalat ng scam at spam messages.

Medyo mahirap nga lang ito sa umpisa lalo na sa registration.

Sa ilalim ng RA 11934, isasagawa na ang pagpaparehistro ng lahat ng SIM cards, dahilan para maobliga ang lahat ng public telecommunication entity o direct seller na mag-maintain ng SIM Card Register ng kanilang mga subscriber na maglalaman ng lahat ng impormasyong kailangan sa ilalim ng batas na ito.

Obligado ang end users ng SIM cards na magpakita ng valid identification document para ma-validate ang kanilang pagkatao o pagkakakilanlan.

Kailangan ding irehistro ng telecommunications entities ang mga lumang SIM card phone subscribers sa loob ng itatakda nitong panahon.

May kaakibat na parusa sa ilalim ng batas ang paggamit ng pekeng impormasyon sa tuwing nagrerehistro ng SIM card.

Ang maganda rito, maaaring pwersahin ang public telecommunication entities na ibahagi ang impormasyong nasa rehistro ng SIM card kapag nag-isyu na ng subpoena o court order ang hukuman upang mapigilan ang paggawa ng krimen gamit ang mobile phones.

Tiyak din namang poproteksiyunan ng gobyerno ang confidentiality at data privacy rights ng mga subscriber na mangyayari oras na ibinenta ng seller sa kanya ang SIM card.

Nakikita ng marami na maganda ang hinaharap kapag nagtuloy-tuloy ang mga ganitong pagbabago sa internet connection, polisiya ng gobyerno at maging sa serbisyo ng mga telco.

Siyento-por-siyento kasi, kapag mabilis ang internet at maganda ang serbisyo ng mga public telecommunication entity sa bansa ay dagdag-puntos ito para puntahan tayo ng mga negosyante, dayuhan o turista.

At hindi na nakakahiya ang kalagayan natin na napag-iiwanan na sa larangan ng komunikasyon.