IKALAWANG PRESIDENTIAL DEBATE NG COMELEC, MAY BAGONG FORMAT

MAY bagong “format” na ilalantad ang Commission on Elections (Comelec) para sa ikalawang presidential debate na nakatakda sa Abril 3, 2022.

May apat na segments o bahagi sa naturang debate.

“Previously, we asked one general question per segment which all of the candidates answered. For the upcoming debate, there will be one general question that will be posted for all the candidates to answer, and this will happen at the start of the debate. For each succeeding segment, the candidates will be divided into groups of three where each group will be given one question to debate on,” pahayag ng Comelec.

Sa kabuuan ay may tatlong katanungan sa bawat segment.

Bawat kandidato ay bibigyan ng 120 segundo para sagutin ang mga katanungan habang 30 segundo naman para sa “rebuttal” o pagtanggi.

Lahat ng kandidato ay bibigyan din ng 60 segundo para sa kanilang pahayag sa huling yugto ng debate.

Sa unang pagkakataon ng Comelec presidential debate nitong Marso 19 ay 9 lamang sa 10 kandidato ang dumalo sa Sofitel Harbor Tent sa Pasay City.

Kabilang sa mga dumalo ay sina Dr. Jose Montemayor Jr., Faisal Mangondato, Senator Panfilo Lacson, labor leader Leody de Guzman, dating national security adviser Norberto Gonzales, dating presidential spokesperson Ernesto Abella, Manila Mayor Francisco Domagoso, Vice President Leni Robredo, at Senador Emmanuel Pacquiao.

Habang nilaktawan naman ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nasabing debate. Jeff Gallos