(Ikalawang testing facility ng PNP) P17-M COVID-19 TESTING CENTER NG PRO-7 ITINATAYO NA

Cascolan

CAMP SOTERO CABAHUG- PUSPUSAN ang konstruksiyon sa ikalawang COVID-19 Testing Center ng Philippine National Police (PNP) na itinatayo sa Cebu City.

Ayon kay PNP Depu­ty Chief for Administration at Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander,  PLt. Gen. Camilo Pancratius P. Cascolan, aabot sa P17 million ang ini-release ng PNP para sa pagpapatayo ng nasabing pasilidad.

Aniya, ang nasabing halaga ay panggastos sa pagpapatayo sa gusali, laboratory equipment, RT-PCR scanner, furniture and fixtures at ma­ging pantustos sa training ng mga technician o personnel ng RT PCR Test Center.

“The fund (P17 million) for the procurement of machines and equipment for the Cebu RT-PCR Laboratory was already released to Police Regional Office (PRO) 7”, ayon kay Cascolan.

Paglilinaw pa ni Cascolan na kasama sa nasabing halaga ang furniture and fixtures ng pasalidad na katabi ng Special Weapon and Tactics (SWAT) building sa loob ng Camp Sotero Cabahug sa Cebu City.

Una nang pinama madali ni PNP Gen. Archie Francisco Gamboa ang pagtatayo ng kanilang ikalawang RT-PCR Testing Center bunsod ng lumolobong kaso ng coronavirus sa mga pulis sa nasabing Region 7.

Batay sa datos ng Police Regional Office (PRO) 7, as of July 17, umabot na sa 301 ang nagpositibo sa coronavirus sa nasabing police force, 137 ang nakarekober, 164 ang active cases habang apat sa kanilang hanay ang namatay.

Ang unang RT-PCR Testing Center ng PNP ay nasa loob ng Camp Crame na pinasinayaan noong Mayo.

Dagdag pa ni Cascolan na on process na rin ang permit at lisensiya para sa nasabing pasilidad.

Inaasahan din aniya na makaraang maitayo ang RT PCR Test Center sa Cebu ay isusunod naman ang sa Davao City at sa Cagayan de Oro. EUNICE C.

Comments are closed.