IKALIMANG DEKADA NG INC, IPAGDIRIWANG SA IBAYONG DAGAT

KAPILYA-Honolulu-Hawaii

IPAGDIRIWANG ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong araw, Hulyo 27, ang ika-50 anibersaryo ng una nitong misyon sa ibayong dagat at ang pagkakatatag ng Iglesia sa Hawaii noong Dekada 60 habang kasalukuyang ipinagdiriwang ang ika-104 anibersaryo ng pagkatatag sa Filipinas.

Sinimulan ng INC ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa labas ng bansa nang maisagawa ang unang pagsamba noong ika-27 ng Hulyo, 1968 sa Ewa Beach, na ngayon ay bahagi na ng Lungsod ng Honolulu.

Ang lokal na ito ay agad na lumaki at naging simbolo ng patuloy na pagpapalawak ng pandaigdigang Iglesia na Filipino ang karakter at simulain.

Nakatakdang ihandog ngayon ang pinalaki at bagong-gawang kapilya sa Ewa Beach bilang pangunahing aktibidad sa pagdiriwang.

“Taimtim nating ipagdiriwang ng may kagalakan ang ika-limampung ani­bersaryo ng unang lokal ng Iglesia sa ibayong dagat. Nais ni Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo na maging mapanuri, mapagpasalamat at pagbulay-bulayan ang halaga ng okasyong ito at isadiwa ang mga hamon para sa patuloy na pagpapalaganap ng ebanghelyo,” paliwanag ni INC General Auditor Gli­cerio B. Santos Jr.

Mula nang maisagawa ang unang pagsamba sa Hawaii limang dekada na ang nakararaan, patuloy ang paglawak ng INC, na ngayon ay nasa maraming bahagi ng United States at Canada maging sa Europe, Asia, Africa, Middle East, Australia at New Zealand.

“Simula noong Set­yembre 2009, pinasinayaan natin at inihandog ang 83 na mga kapilya sa maraming bahagi ng mundo. Hindi po tayo tumitigil sa pakikipag-ugnayan sa mga miyembrong nakabase sa ibang bansa, Filipino man o ibang lahi, dahil hindi tumitigil ang gawain ng Diyos at wala itong hangganan.”

Kasunod ng pagdiriwang sa Hawaii, isasagawa ang espesyal na pagsamba sa ika-5 ng Agosto sa Golden One Arena na tatanggap sa 17,000 katao sa downtown Sacramento sa California.

Ipinahayag na rin ng Iglesia ang paghahandog sa 22 pang bagong mga kapilya sa United States at Canada, sa Agosto at Set­yembre ngayong taon.

Ayon kay Santos, ang mga kapilyang ito ay matatagpuan sa Anchorage (Alaska),  Antioch (North West California), Bristol (Connecticut), Cocoa Beach (Florida), Copperas Cove (Texas), Detroit (Michigan), Everett, Spokane (Washington), High Point (North Carolina), Oxnard, Salinas, Stockton, El Cajon, Ridge Crest (California), Tucson (Arizona), Henderson (Nevada) at maging sa Toronto, Halifax at Saskatchewan sa Canada.

Maliban sa mga ito, may mga bagong kapilya na rin sa Waipahu, Hawaii at sa Apra Heights sa Guam bilang bahagi ng pagpapa­lawak sa Pasipiko.

Isang malaking Lingap (Aid to Humanity) project ang isasagawa ng INC sa Canada upang biyayaan ang Native American Community sa Winnipeg sa susunod na buwan, at susundan pa ng isang humanitarian mission sa Toronto sa buwan ng Setyembre.

Ang mga proyektong Lingap na isinasagawa sa Filipinas at sa ibayong dagat ay binubuo ng mga libreng serbisyong medical at dental. Ipinamamahagi sa mga proyektong ito ang libreng medisina, damit at grocery packs sa mga nagsisipagdalo.

“Ang Iglesia ay lubos na nakatuon sa paghihikayat sa bawat miyembro nito na magkaroon ng mabuting pamumuhay. Sinisikap naming maabot ang bawat-isa, tumutulong sa abot ng aming makakaya. Lubos ang aming pagpapasalamat at pagpapakumbaba sa biyaya ng limampung-taong pagpapalawak sa ibang bansa, at ikinapa­panabik namin ang hamon sa lima pang dekadang paparating. Sa Diyos ang lahat ng kapurihan!” ayon kay Santos.

Comments are closed.