IKATLONG SANTONG PINOY

Darwin Ramos

INAASAHANG magkakaroon na ang Filipinas ng ikatlong santo matapos na bigyan ng Vatican ng ‘go signal’ ang pagsusulong ng beatipikasyon at kanonisasyon ng isang Pinoy teenage boy upang tuluyang mahirang bilang santo.

Sa isang artikulo sa website ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nabatid na idineklara na ng Vatican si Darwin Ramos bilang isang ‘Servant of God,’ na pangunahing proseso para ma­ging isang santo.

Nabatid na ang dekla­rasyon ay isinagawa ni Cardinal Angelo Becciu, Prefect ng Congregation for the Causes of Saints, sa Roma noong Marso 29.

Kasunod ng naturang kautusan, sisimulan na ng postulator na si French Dominican Fr. Thomas de Gabory, ang pagproseso sa trabaho ng Cubao Diocesan Tribunal para sa kano­nisasyon ni Ramos.

Si Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang nagsimula ng proseso, batay na rin sa kahilingan ng The Friends of Darwin Ramos Association.

“The Vatican has given us the go signal to go deeper in his life how he lived his faith and how he gave witness to Jesus to whom he was very close,” pahayag pa ni Ongtioco.

Nabatid na si Ramos ay isinilang noong 1994, at nanirahan sa Pasay City.

Upang makatulong sa kanyang pamilya, naging mangangalakal siya sa lansangan, kasama ang kanyang nakababatang kapatid na babae.

Gayunman, natuklasang mayroon siyang Duchenne muscular dystrophy na naging sanhi upang hindi na siya makatayo at manghina ang kanyang mga kalamnan.

Sa kabila ng kanyang karamdaman, noong 2006, ay napalapit siya sa grupo ng street educators mula sa Tulay ng Kabataan (TnK), at pumasok sa isa sa mga center nito upang makatulong sa mga street children.

Nang madiskubre ang pananampalatayang Katoliko, tumanggap si Ramos ng sakramento ng binyag, komunyon at kumpil.

Sa pagtagal ng panahon ay lalong lumala ang kondisyon ni Ramos ngunit hindi ito naging hadlang upang itigil niya ang pagtulong sa kapwa.

Ayon sa obispo, nagkaroon din si Ramos ng malalim na relasyon sa Panginoon, at laging ipinagkakatiwala ang kanyang sarili kay Hesus.

Binawian ng buhay si Ramos sa edad na 17, dahil sa naturang karamdaman sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City noong Setyembre 23, 2012.

“Darwin is an example of holiness. Being a street child, afflicted with myopathy, he is closely united with Christ in his suffering and joy,” ani Ongtioco.

Inihayag pa niya na ang deklarasyon ng Vatican ay isang paalala sa atin na tayo ay inaanyayahan na maging testigo sa ating pananam­palataya sa konkretong paraan.

Ayon sa CBCP, ang pagdedeklara kay Ramos bilang Servant of God ay unang hakbang patungo sa pagkilala sa kanya bilang santo.

Matapos ito, kinakailangang maideklara siyang Venerable at Blessed, at saka isasailalim sa kanonisasyon upang tulu­yang maging santo. ANA ROSARIO HERNANDEZ