NAGBUKAS ng isa pang vaccination site ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa para sa pagpapabakuna ng mga menor na nasa 5 hanggang 11 taong gulang sa lungsod.
Binuksan sa publiko nitong ‘Araw ng mga Puso’ (Pebrero 14) ang Cupang Health Center para sa pagganap ng baksinasyon sa nabanggit na age group.
Ang Cupang Health Center ay karagdagan sa naunang dalawang vaccination sites na Ospital ng Muntinlupa (OsMun) sa Barangay Alabang at Laguerta Health Center sa Barangay Tunasan kung saan nagbibigay ng COVID-19 vaccine para sa mga tsikiting simula ng ilunsad ng lokal na pamahalaan ang kampanyang “Resbakuna Kids” program noong Pebrero 7.
Pinangunahan naman ni Muntinlupa City Health Office (CHO) acting chief Dr. Juancho Bunyi ang paglulunsad at ceremonial inoculation ng mga bata sa Cupang Health Center.
Hinimok naman ni Bunyi ang mga magulang ng mga bata na iparehistro ang kanilang anak sa vaccination database ng lungsod kasabay ng pagbibigay ng kasiguruhan na ang mga bakuna na inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ay ligtas at epektibo.
Sa isinagawang paglulunsad ay sinabi ni Bunyi na ang Cupang Health Center ay may mga dekorasyon ng cartoon characters at action figures kasabay ng pagtanggap ng mga bata ng loot bags, libreng pagkain at ice cream.
Sinabi ni Bunyi na ang paglalagay ng dekorasyon sa Cupang Health Center ay inisyatibo ng lokal na pamahalaan na magdudulot ng positibong vibes sa naturang vaccination site at makakabawas din ng tension sa mga batang magpapaturok ng bakuna.
Sa nakaraang isang linggo simula ng ilunsad ang pagbibigay ng bakuna sa mga bata na nasa edad 5 hganggang 11 ay nakapagturok na ng bakuna ang lokal na pamahalaan sa 2,600 tsikiting sa lungsod. MARIVIC FERNANDEZ