(Ikinakasa ng BFAR)SKILLS, LIVELIHOOD TRAINING SA OIL SPILL-HIT FISHERS

TUTULUNGAN ng pamahalaan ang may 19,000 mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro province sa pamamagitan ng skills at livelihood training, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ang motor tanker Princess Empress ay may lulang 800,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito sa bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro noong Feb. 28.

“Tinamaan talaga nito ‘yung mga critical marine habitats na nandyan po sa apektadong lugar. Kasama na po dyan yung mga mangroves, mga coral reef, at napaka-fatal po kasi ang epekto nito doon sa mga fish larvae at mga itlog ng isda,” pahayag ni BFAR chief information officer Nazario Briguera sa TeleRadyo ng ABS-CBN.

Ayon kay Briguera, bukod sa food aid para sa mga apektadong mangingisda, ang BFAR ay naglaan din ng P4.2 million para tulungan silang magkaroon ng pansamantalang kabuhayan.

“Ang gagawin po rito sa pondong ito, maglalagay po ng mga proyekto. Unang-una ‘yung livelihood skill training, kung saan tuturuan natin sila sa fish processing. But of course ‘yung raw materials nito manggagaling sa unaffected areas,” aniya.

Bukod dito, ilulunsad din ng BFAR ang Kadiwa Oplan Isda, na makatutulong sa fisherfolk cooperatives na mag-deliver ng isda sa mga kalapit na palengke.

“Isa naman po itong parang market linkage kung saan ita-tap natin ‘yung mga fisherfolk cooperatives na sila mismo ang mag-distribute ng mga isda galing sa mga unaffected areas at ipagagamit po sa kanila ang mga logistical support ng pamahalaan sa pamamagitan ng BFAR, katulad ng mga refrigerated vans. Bibigyan din po sila ng mga chest freezers,” dagdag pa niya.