NASA 10 government-owned and -controlled corporations (GOCCs) ang pinag-aaralang isapribado, ayon sa Governance Commission for GOCCs (GCG).
Gayunman ay tumanggi si GCG Chairperson Alex L. Quiroz na tukuyin ang naturang GOCCs upang protektahan ang kanilang kalagayan habang hinihintay ang resulta ng isinasagawang pagsusuri sa kanilang financial at economic status.
“Different GOCCs have their own peculiarities,” wika ni Quiroz.
Ang GCG ay may hurisdiksiyon sa may 118 GOCCs, hindi kasama ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), local water districts, at research institutions.
Sa kasalukuyan, tanging ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang hayagang tinalakay ang posibilidad ng pagsasapribado sa harap ng mga katanungan sa papel nito bilang regulator at operator ng casinos.
Sinabi ni Quiroz na nagpapatuloy ang pagsusuri sa privatization ng Pagcor subalit hindi siya nagbigay ng anumang detalye.
Aniya, sa kabuuan ay pinag-aaralan ng GCG ang viability ng patuloy na operasyon ng GOCCs, na nag-eempleyo ng may 600,000 personnel.
Kabilang sa GOCCs na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng GCG ay ang National Food Authority, Social Security System, Government Service Insurance System, Sugar Regulatory Administration, Subic Bay Metropolitan Authority, Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Civil Aviation Authority of the Philippines, at Clark Development Corp. PNA