(Ikinakasa ng PSC, POC) BALIK-TRAINING NG OLYMPIC-BOUND ATHLETES

Ramon Fernandez

NAGKASUNDO ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang Philippine Olympic Committee (POC) na hilingin sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ang pagpapatuloy ng training ng apat na national athletes na nagkuwalipika sa Tokyo Olympics at ng ilang aspirants.

Ang PSC Board ay nagsagawa ng virtual board kina POC President at Congressman Bambol Tolentino at POC Secretary-General Atty. Ed Gastanes upang talakayin ang mga plano na ipagpatuloy ang training ng Olympic-bound athletes, gayundin ng mga sasalang sa Olympic qualifi-ers.  Ang PSC at POC ay kapwa naniniwala na sa kasalukuyang sitwasyon, pinakamainam na pagtuunan muna ng pansin ang Olympic bid ng bansa.

“We initiated the meeting with POC with the good of our national athletes in mind. Lagi ‘yan priority as Chairman Butch Ramirez always say,” wika ni PSC officer-in-charge Ramon Fernandez.

Binigyang-diin ni Fernandez na gagawin ng board ang lahat para matiyak na maipagpapatuloy ng Olympic hopefuls ang kanilang momentum.  “CO­VID-19 notwithstanding, we must never lose sight of our goal to give our best for our first Olympic gold,” dagdag ni Fernandez.

Gayunman ay nasa IATF na, aniya, ang pinal na desisyon.

“We can only recommend, but they have the final say,” anang sports agency OIC.

Ayon sa PSC board, anim na pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Maynila at Philsports Complex sa Pasig City ang maaaring gamitin para sa training.  Ang mga ito ay ang Fencing Hall, Multi-purpose Center, Strength and Conditioning Building, Dormitory Training Hall sa Philsports at ang Taekwondo and Boxing gyms sa RMSC.

Sinabi ni Marc Velasco, National Training Director ng PSC, na magsasagawa ang ahensiya ng malawakang disinfection sa mga pasilidad sa dalawang complex upang matiyak ang kaligtasan ng mga atleta sa sandaling magpatuloy sila sa pagsasanay.

Ang parehong complex ng PSC ay may tatlong  “we heal as one center” sa pagitan ng mga ito. Sa kasalukuyan, ang Multi-purpose Arena sa Pasig City at ang Ninoy Aquino Coliseum sa RMSC ay may suspected at mild-positive patients, habang sumasailalim ang Rizal Coliseum sa disinfection, inspection at repairs.

Nakatakdang maki­pagpulong ang PSC kay Tokyo Olympics Chef de Mission Nonong Araneta upang talakayin ang projection ng POC sa Olympic bid ng bansa.

“The POC will know who has and where we have a high percentage of qualifying so we will consult them and move from there,” paliwanag ni Fernandez.

Comments are closed.