(Ikinasa bago mag-Pasko)P2.90/L PRICE HIKE SA DIESEL; P0.70/L SA GASOLINA

BALIK sa taas-presyo ang mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.70, diesel ng P2.90, at kerosene ng P1.65.

Magpapatupad ang Cleanfuel, Petro Gazz, at PTT Philippines Corp. ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang dagdag-presyo sa alas-6 ng umaga, maliban sa Caltex, na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga, at Cleanfuel sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Disyembre 13, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.70, diesel ng P3.40, at kerosene ng P4.40.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Dis. 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P13. 25, diesel ng P24.60 at kerosene ng P19.15.