NAGLABAS ang Civil Service Commission (CSC) ng implementing rules and regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 11701, ang batas na nagbibigay ng night shift differential pay para sa mga empleyado ng gobyerno.
Nakapaloob din sa naturang batas ang pagkakaloob ng compensation premium sa mga empleyado ng gobyerno, kabilang na rin ang mga kawani ng government-owned and controlled corporations (GOCCs), na nasa positions/items ng division chief at mas mababa o katumbas nito, anuman ang katayuan ng kanilang appointment, na ang opisyal na oras ng trabaho ay nasa pagitan ng alas-6 ng gabi at alas-6 ng umaga ng susunod na araw.
Binigyang-diin ni CSC Chairperson Karlo Nograles na ang RA 11701 ay maituturing na “much-deserved additional benefit” para sa mga lingkod bayan na sinisigurong ang operasyon at pagkakaloob ng serbisyo ng gobyerno ay tuloy-tuloy at napakikinabangan ng sambayanang Pilipino 24/7.
“Malaki ang pasasalamat natin sa ating mga medical personnel, air traffic controllers, mga nasa immigration, customs, emergency communications, at marami pang iba na nagta-trabaho sa night shift. Sila ang mga lingkod bayan, o lingkod bayani, na sumisigurong tuluy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyo ng pamahalaan, mapa-araw man o gabi,” pahayag ni Nograles.
Hinihimok naman ng CSC head ang pinuno ng iba’t ibang ahensiya, katuwang ang kani-kanilang human resource (HR) officers at employees’ organization, “na paigtingin ang pagtalima sa mga applicable occupational safety and health standards, at mag-explore ng mga karagdagang benepisyo na maaari pang ibigay upang maibsan ang mga posibleng epekto ng night shift works sa kalusugan at overall well-being ng kanilang mga empleyado.”
Ang premium ay ibinibigay rin sa mga nanunungkulan sa mga posisyon ng Division Chief at sa mas mababa o katumbas nito, na itinalaga bilang officers-in-charge sa mga posisyon sa executive/managerial kapag sila ay nakatakdang sundin ang mga oras ng trabaho sa pagitan ng nabanggit na mga oras.
“However, the law does not cover government employees with regular work schedule falling between 6 a.m. and 6 p.m.; those whose services are required, or are on call, 24 hours a day, such as the uniformed personnel and others as may be determined by the CSC and the Department of Budget and Management (DBM); and workers under job order or contract of service,” paliwanag ng CSC.
Ang night shift differential pay ay dapat nasa rate na hindi hihigit sa 20 porsiyento ng hourly basic rate ng empleyado, base na rin sa ginawang pag-apruba ng namumuno ng partikular na ahensiya.
Para sa hanay ng public health workers, ang rate o bayad para sa night differential ay hindi dapat mas mababa sa 10 porsiyento ng kanilang kada oras na basic rate.
ROMER R. BUTUYAN