(Ikinasa ng DA sa harap ng bird flu outbreak sa ilang lalawigan) TRANSPORT BAN SA LIVE BIRDS

PANSAMANTALANG sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang transportasyon kapwa ng poultry at non-poultry live birds mula sa mainland Luzon hanggang sa nalalabing bahagi ng bansa sa harap ng outbreak ng avian influenza o bird flu sa Bulacan at  Pampanga.

Sa Memorandum Circular No. 6, series of 2022, na nilagdaan ni Agriculture Secretary William Dar noong March 7, inilatag ng DA ang guidelines para sa paggalaw ng domestic at wild birds at poultry products at by-products sa panahon ng bird flu outbreak.

Kinumpirma ng DA ang pagkakatukoy ng avian influenza type A subtype H5N1 sa duck farms sa mga bayan ng Baliuag sa Bulacan at Candaba sa Pampanga, gayundin sa quail farms sa Candaba at Mexico, Pampanga.

Ipinagbigay-alam na rin ng DA ang unang kaso ng bird flu sa World Organization for Animal Health noong February 18, 2022.

Sinuspinde ng ahensiya sa loob ng 30 araw ang transportasyon ng lahat ng species ng live birds (poultry at non-poultry), kabilang ang day-old chicks, day-old pullets, hatching eggs, ready to lay pullets, ducks, at quails mula sa mainland Luzon, partikular sa Regions 1, 2, 3, 4A, 5, at CAR, sa MIMAROPA, Visayas, at Mindanao.

Sinuspinde rin ng DA ang pagbiyahe ng pigeons at game-fowls sa at mula sa mainland Luzon sa nalalabing bahagi ng bansa sa loob ng 30 araw.