INILUNSAD ng Deparment of Agruculture(DA) nitong Miyerkoles ang isang special loan program para sa mga magsasaka ng sibuyas sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council nito.
Ayon sa DA, ang mga benepisyaryo ng programa ay nasa ilalim ng Optimization and Resiliency In the Onion Industry Network (ORION).
Sa naturang okasyon ay ipinagkaloob ng ahensiya ang P10-million check sa Occidental Mindoro Cooperative Bank at P3-million check sa Rueda Onion Growers Association mula sa Nueva Ecija.
Ang “AgriNegosyo Loan Program for Onion Farmers” ay alinsunod sa direktiba ni DA Secretary at Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang onion value chain.
Sa ilalim ng programa, ang bawat maliit na magsasaka ay maaaring makahiram ng hanggang P300,000 per hectare na may maximum na dalawang ektarya.
Samantala, ang mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka ay makauutang ng hanggang 90% ng halaga ng kanilang proyekto hanggang P15 million.
Ang pautang ay walang interes at maaaring bayaran depende sa crop cycle at payback period ng proyekto.