MAGPAPATUPAD ang Department of Migrant Workers (DMW) ng one-strike policy laban sa recruitment agencies ng land-based overseas Filipino workers (OFWs) na nakagawa ng paglabag.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, ipinatupad dati ang three-strike policy laban sa mga pasaway na recruitment agencies.
“Dati kasi dahil may first offense, second offense, third offense. Ang daling palusutan. Puwede kang magtago sa dami ng papel, sa dami ng proseso,” ani Ople.
“Ito kasi 20 very specific offenses na ang kapalit kapag ginawa ng agency, cancellation ng license.
Mas klaro na kasi lahat kami iisa lang ang tinitingnan na serious offenses,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Ople ang pahayag makaraang lagdaan ang department circular sa DMW Rules and Regulations Governing the Recruitment and Employment of Land-based OFWs.
Ang bagong DMW rules ay nagpapataw ng simplified at standardized penalty structure para sa private recruitment agencies para sa offenses tulad ng pagkakasangkot sa korupsiyon, illegal recruitment, at trafficking in persons.
Ang serious offenses ay papatawan ng parusang kanselasyon ng lisensiya, ang less serious offenses ay anim na buwan hanggang isang taong suspensiyon, at light offenses, isa hanggang anim na buwang suspensiyon.