(Ikinasa ng DOLE sa Dis. 5) JOB FAIR PARA SA PWDs

pwd

ISANG special job fair para sa persons with disabilities (PWDs) ang isasagawa sa susunod na buwan sa Quezon City, ayon sa Department  of Labor and Employment (DOLE).

Sa isang statement na ipinalabas ng DOLE, ang naturang job fair ay one-day activity na gagawin sa Disyembre 5 sa Quezon City Hall na magsisimula ng alas-8 ng umaga na kung saan ang PWDs ay pagkakalooban ng employment, livelihood at training opportunities.

Inaasahang ang pakikilahok ng mga pribadong kompanya at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan para kumuha ng kuwalipikadong PWDs.

Ang naturang aktibidad ay bilang tugon na rin sa itinatakda ng Republic Act 10524 na nagbibigay mandato sa mga tanggapan ng pamahalaan na maglaan ng posisyon para sa PWDs.

Hinihikayat din ng nasabing batas ang private enterprises na may mahigit 100 empleyado na i-reserve ang isang porsiyentong  para sa may kapansanan.

Gayundin, maglalaan ang Department of Trade and Industry (DTI) at Technical Education & Skills Development Authority (TESDA) ng livelihood at skills training sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.

Kabilang din sa magsasagawa ng naturang job fairs ay ang Public Employment Service Offices sa National Capital Region, National Council on Disability Affair at  pamahalaang lokal ng QC. Inaasahan din ang pakikilahok ng ilan pang LGUs sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga kuwalipikadong PWD.

At sa mga employer na nagnanais na sumali sa naturang job fair ay magparehistro sa philjobnet.gov.ph.

AIMEE ANOC

Comments are closed.