MAGIGING kumbinyente ang paghahanap ng trabaho ng mga job seeker sa National Capital Region (NCR) dahil isasagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang job fairs sa ilang malls sa Hunyo 12, Independence Day.
Ayon sa DOLE, may 31,350 local at overseas vacancies ang iaalok ng mahigit 500 employers na lalahok sa job fairs sa 10 lungsod sa Metro Manila.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng vacancies at ng mga lalahok na employer sa mga darating na araw.
Kabilang sa mga tinukoy na job fair sites ang SM Grand Central (Caloocan City); SM Center Las Piñas at Robinsons Place (Las Piñas); SM Megamall (Mandaluyong); SM City Manila (Manila); SM City Marikina (Marikina); Parañaque City Social Hall at Sports Complex (Parañaque City); SM Mall of Asia (Pasay City); SM East Ortigas (Pasig City); SM Fairview (Quezon City); at Vista Mall (Taguig City).
Pinapayuhan ang mga job seeker na ihanda ang kanilang application requirements, tulad ng resume o curriculum vitae, diploma, transcript of records, at certificate of employment para sa mga dating may trabaho.
Samantala, ang mga interesado sa skills training ay maaaring bumisita sa advisory and information desks ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Isang one-stop-shop ng government services ang ihahanda rin para sa mga job seeker. Ang mga nais iproseso ang kanilang pre-employment documents ay maaaring mag-avail ng serbisyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI), Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Philippine National Police (PNP), Philippine Postal Corporation (PhilPost), Philippine Statistics Authority (PSA), Professional Regulation Commission (PRC), at Social Security System (SSS).
Ang DOLE ay magsasagawa ng job fairs sa buong rehiyon bilang pagdiriwang sa ika-126 anibersaryo ng Philippine Independence sa Hunyo 12.
LIZA SORIANO