IIMBESTIGAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ulat na laganap ngayon sa merkado ang marijuana-laced electronic cigarettes o vapes.
Ito ay makaraang ibunyag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagtaas ng presensiya ng vaping products na may marijuana oil na natuklasan sa anti-illegal drugs operations.
“Nakakabahala ‘yung balitang ‘yan kasi ‘yung vape ay hindi puwede sa menor de edad. Tinatanggal na sa merkado, haluan mo pa ng iligal na droga,” wika ni Assistant Secretary Amanda Nograles ng DTI Consumer Protection Group.
“Bago lang ‘yung impormasyon, na ‘yan, kukuha pa kami ng additional information pero patuloy pa rin ang DTI sa pagkalap ng mga vape na may flavor descriptor tsaka ‘yung appealing to minor na cartoons o paggamit ng influencers,” dagdag pa niya.
Ayon sa DTI, sa kasalukuyan ay wala pa itong nakakaengkuwentro o nakukumpiskang vapes na may marijuana oil.
“Kung sakaling meron man ay ire-refer namin sa PDEA,” aniya.
Noong nakaraang Huwebes ay nakakumpiska ang mga operatiba ng PDEA ng cannabis oil at marijuana kush, at assorted vaping devices, na tinatayang nagkakahalaga ng P842,000 sa magkakasabay na pagsalakay sa Taguig City.
Naharang din ng PDEA at Bureau of Customs (BoC) ang 18 balikbayan boxes na naglalaman ng cannabis oil at marijuana kush sa Port Area, Manila.
Nakatago ang illegal drugs sa loob ng e-cigarettes na nagkakahalaga ng P337 million.
“The selling and smuggling of mariuana oil-cartridges indicate that there is a growing domestic demand for these products. Considering that the vaping culture is predominantly popular among the youth, PDEA is wary that these cannabis extracts can passed off as a legitimate vape aerosol in the market and sold to the younger patrons,” pahayan ng PDEA sa isang statement.
Binalaan ng ahensiya ang publiko na huwag tangkilikin ang marijuana-laced e-cigarettes dahil sa banta nito sa kalusugan, at higit sa lahat ay ipinagbabawal ito ng batas.