(Ikinasa ng Landbank)CARDLESS ACCESS SA CUSTOMERS

landbank

INANUNSIYO ng Landbank of the Philippines (LandBank) na ang mga customer na magbubukas ng account ay awtomatikong pagkakalooban ng cardless access at ie-enroll din sa LandBank iAccess at Mobile Banking App (MBA) bilang bahagi ng paglipat sa all-digital services.

Ayon sa LandBank, ang mga bagong account holder ay magkakaroon ng convenient access sa digital banking services, kabilang ang interbank transactions via InstaPay at PESOnet.

Ang lahat ng LandBank ATMs sa buong bansa ay nilagyan ng cardless withdrawal feature at maaaring gamitin ng cardless account holders ang MBA para ma-access ang kanilang accounts at maka- withdraw ng cash mula sa 2,889 LBP ATMs.

Ang cardless cash deposits ay magiging available din via 231 cash deposit machines sa buong bansa.

Tiniyak ng LandBank na pananatilihin nito ang “highest level of security” sa lahat ng systems ngunit pinayuhan din ang publiko na maging mapagbantay kontra online banking fraud at scams.

Pinayuhan ng bangko ang kanilang mga kliyente na mag-transact lamang sa kanilang official website sa www.landbank.com at gamitin ang available links para ma-access ang digital banking channels na kinabibilangan ng official iAccess site, www.lbpiaccess.com.

GLEN RAMOS