MAGSASAGAWA ang transport group Manibela ng sarili nilang 3-araw na malawakang tigil-pasada simula ngayong Miyerkoles, Nob. 22, na kasabay ng huling araw ng nationwide protest ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston).
Ang nakatakdang transport strike ay bilang protesta rin sa Dec. 31 deadline para sa mandatory jeepney franchise consolidation, na bahagi ng public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.
“Simula bukas (ngayon), ang Manibela at iba pa nating kasamahan ay sasama na sa tigil-pasada nationwide,” sabi ni Manibela chairman Mar Valbuena sa isang press conference nitong Martes.
Sinabi ni Piston national president Mody Floranda sa CNN Philippines na magmamartsa sila sa huling araw ng kanilang protesta simula sa alas-9 ng umaga, mula Welcome Rotonda hanggang Mendiola.
Ayon kay Valbuena, kapag hindi pinalawig ang deadline ay magiging colorum sila pagdating ng Enero 1, 2024. Magreresulta, aniya, ito sa mas malaking transport strike sa susunod na taon.
“Kung hindi mai-extend, January 1 colorum na kami, siguradong mas malawak, mas matinding transport strike ang sasalubong sa bagong taon. Sinisigurado ko po iyan,” ani Valbuena.
Sinabi niya na hindi naman pinipilit ang mga miyembro ng Manibela na sumama sa transport strike.
“Hindi namin pinipilit ‘yung iba naming kasamahan. Kung ayaw po, hindi po natin dapat pilitin,” aniya.