MAGSASAGAWA ang transport groups Piston at Manibela ng isa pang nationwide strike simula Disyembre 18 hanggang 29 bilang protesta sa deadline ng consolidation ng public utility vehicles (PUVs).
Inanunsiyo ito sa ikalawang araw ng two-day transport strike, at sa gitna ng inaasahang lalong pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila at mga kalapit na lugar dahil sa Christmas holiday rush.
“Itong araw na ito, simula pa lang ng tigil-pasada. Sa susunod na linggo, ang Piston at Manibela, ay magtutuloy-tuloy sa tigil-pasada, isang linggo hanggang Pasko, o hanggang matapos itong taon,” pahayag ni Manibela president Mar Valbuena.
Mahigpit na tinututulan ng Piston at Manibela ang December 31 deadline para sa PUV consolidation dahil magreresulta umano ito sa pagkawala ng kabuhayan ng jeepney operators at drivers na hindi handa sa transport modernization program ng pamahalaan.
Nauna nang nagbabala ang Piston na posibleng magsagawa sila ng mas malaking protesta kapag patuloy na nanindigan ang pamahalaan sa Dec. 31 deadline nito para sa consolidation ng public utility vehicles (PUVs).
“Kung talagang hindi tayo pakikinggan,‘yung ating kahingian, ay muli tayong, muling magpaplano ng isang mas malapad na pagkilos,” pahayag ni Piston
National President Mody Floranda.
Nagsagawa ng diyalogo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba’t ibang transport groups noong Huwebes kung saan iginiit nito ang kanilang desisyon na hindi palawigin ang consolidation deadline sa kabila ng transport strike.
Sinabi rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi palalawigin ang deadline dahil 70% na ng mga operator ang nakatugon.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang isang United Kingdom trade union for the transport sector sa protesta ng Filipino jeepney drivers at operators laban sa Dec. 31 deadline ng pamahalaan para sa consolidation ng PUVs.
Sa isang solidarity message na ipinadala sa Filipino transport groups, sinabi ni Rail and Maritime Transport Workers Union (RMT Union – UK) General Secretary Michael Lynch na kinondena ng kanilang union ang year-end deadline.
Aniya, libo-libong drivers na ilang dekada nang nagkakaloob ng mura at maaasahang public transport system sa buong bansa ang ipe-phase out sa huli kapag hindi sila nakatugon sa modernization program requirements.
“We call on the Philippines government to withdraw its end-of-year deadline, negotiate a new plan with PISTON and provide a solution that saves the livelihoods of existing drivers, maintains an affordable public transport system and improves conditions for drivers, passengers and the environment,” sabi ni Lynch.