(Ikinasa ng SEC) INTEREST RATE CAP SA LENDING FIRMS

INILABAS ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang draft memorandum circular na magpapatupad ng cap sa interest rates at iba pang fees ng lending at financing companies, at ng kanilang online lending platforms (OLPs).

Ipatutupad sa panukalang guidelines, na inilabas noong January 27 para sa public comment, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Circular No. 1133 Series of 2021, na nagtatakda ng maximum interest rates at iba pang fees na sinisingil ng lending at financing companies, at ng kanilang OLPs.

Itinakda ng BSP ang maximum nominal interest rate sa 6 percent per month, o 0.2 percent per day, at ang effective interest rate (EIR) sa 15 percent per month, o 0.5 percent per day para sa covered loans na ‘unsecured’, general-purpose loans na hindi hihigit sa halagang P10,000 at may loan tenor na hanggang apat na buwan.

“The EIR is expressed as the rate that exactly discounts estimated future cash flows throughout the life of the loan to the net amount of loan proceeds,” ayon sa SEC.

Kinabibilangan ito ng nominal interest rate kasama ang iba pang applicable fees at charges, tulad ng processing fees, service fees, notarial fees, handling fees, at verification fees. Hindi kasama sa EIR ang fees at penalties para sa late payment at non-payment.

Ang lending at financing companies ay maaari ring magpataw ng hanggang 5 percent per month para sa late payment sa outstanding scheduled amounts due.

“A total cost cap of 100 percent of the total amount borrowed, applying to all interest, other fees and charges, and penalties, regardless of time the loan has been outstanding, will likewise be imposed,” nakasaad pa sa draft memorandum circular.

Sa ilalim ng draft SEC memorandum circular, ang cap sa interest rates at iba pang fees ay ipatutupad sa covered loans na iaalok ng lending at financing companies sa sandaling maging epektibo ang panukalang guidelines.

Ang SEC ay may 60 business days simula Jan. 3, 2022, nang magkabisa ang BSP Circular No. 1133, Series of 2021, para ianunsiyo ang rules and regulations na nagpapatupad sa cap sa interest rates at iba pang charges na ipinapataw ng lending at financing companies, at ng kanilang OLPs.

Ang lending companies na mabibigong sumunpd sa rate limits ay pagmumultahin ng P25,000 at P50,000 para sa first at second offense, ayon sa pagkakasunod, habang ang financing companies ay papatawan ng multang P50,000 para sa first offense at P100,000 para sa second offense.

Ang penalty para sa third offense kapwa sa lending at financing companies ay doble ng halagang ipinataw para sa  second offense hanggang P1 million; suspensiyon ng kanilang financing at  lending activities sa loob ng 60 araw;  o pagkansela sa kanilang certificates of authority to operate bilang financing/lending company (CAs).