(Ikinasa ng transport groups sa Set. 23-24) 2-ARAW NA TIGIL-PASADA

MAGSASAGAWA ang transport groups na Piston at Manibela ng panibagong strike sa Setyembre 23-24 bilang pagtutol sa Public Transport Modernization Program (PTMP).

Ayon sa Piston, layon ng tigil-pasada na hilingin ang pagbasura sa PTMP, pagkansela sa forced franchise consolidation, at renewal ng mga prangkisa at registrations para sa lahat ng public utility vehicle (PUV) operators, kabilang ang mga piniling hindi mag-consolidate.

Igigiit din ng Piston at Manibela ang zero budget para sa PUV phaseout programs, kung saan ang funding ay ire-redirect sa rehabilitasyon ng traditional jeepneys at subsidiya para sa local industries, at pagpapahintulot sa mga pumasok sa franchise consolidation na umatras.

Magugunitang ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto ang panawagan ng 22 senador na suspindehin ang programa dahil sa kakulangan ng information drive sa PTMP at sa financial burden sa mga driver at operator na bumili ng modern jeepneys.

“I disagree with them because sinasabi nila minadali. This has been postponed seven times, the modernization has been postponed for seven times,” sabi ng Pangulo.

Dagdag pa niya, nasa 80 percent ng mga operator ang nakasunod na sa requirement ng PTMP upang mag-consolidate sa mga kooperatiba para sa mas madaling pagproseso ng bank loans upang bumili ng modern jeepneys.

Ang PUV modernization program ay inilunsad ng pamahalaan noong 2017. Naantala ang pagpapatupad nito dahil sa mga protesta at COVID-19.

Mahigpit na tinutulan ng mga driver ang programa dahil mababaon umano sila sa utang kung bibili ng bagong sasakyan.