(Ikinokonsidera ng Malakanyang) METRO BALIK-ECQ

malakanyang

POSIBLENG ikonsidera ng Malakanyang na ibalik ang Metro Manila sa mas mahigpit na community quarantine kung mapupuno ang mga ospital sa National Capital Region bunsod ng COVID-19 cases.

“We go back to stricter quarantine or provide more facilities,” pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque sa online media forum nang tanungin tungkol sa posibleng hakbang ng pamahalaan sakaling mapuno ang mga ospital.

Matatandaan nitong Hunyo ay isinailalim na sa general community quarantine ang NCR na kung saan bahagyang niluwagan ang paghihigpit sa mga pampublikong transportasyon at ilang negosyo upang makabawi ang ekonomiya.

Ito ay makaraang ilagay ang Metro Manila sa enhanced community quarantine na siyang pinakamahigpit na klasipikasyon ng lockdown sa loob ng mahigit dalawang buwan.

Gayunpaman, sinabi ng Department of Health (DOH) na makikipagpulong ito sa mga kinatawan ng mga ospital upang alamin ang sitwasyon sa kani-kanilang mga pasilidad.

Samantala, nilinaw ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire kahapon na hindi pa “overwhelmed” ng CO­VID-19 cases ang mga ospital sa Metro Manila.

Gayunpaman, sinabi ni Vergeire na nasa “moderate risk level” ang critical care resources.

Comments are closed.