Kahapon lamang, napasya si Pangulong Duterte na ibalik muli ang National Capital Region (NCR), Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal sa MECQ o modified enhanced community quarantine.Ito ay sa pagitan ng mahigpit na ECQ (enhanced community quarantine) at ang kamakalian na tinamasa nating GCQ o general community quarantine.
Ang MECQ ay magsisimula ngayong araw at magtatapos sa ika- 18 ng Agosto. Ito ang bunsod ng liham ng mga healthcare worker na humihiling na ibalik muli sa ECQ ang Mega Manila upang maiwasan ang pagkalugmok ng ating health care system dulot ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa nakalipas na ilang linggo.
Sa akin kasi, mali ang pananaw ng karamihan nating mga mamamayan kung papaano makaiwas mahawaan ng COVID-19. Malinaw naman. Saksi tayo sa maraming mga pasaway na hindi nag-iingat laban sa nakamamatay na sakit. Ang iba sa kanila ay may lakas loob pa na mag-rally sa harap ng ABS-CBN. Ganoon din sa panahon ng SONA noong nakaraang linggo.
Ang iba ay hindi nagsusuot ng face mask. Ang Karamihan, may face mask nguni’t ang kanilang mga baba ang natatakpan imbes na ang kanilang ilong o bibig. Walang obserbasyon ng social distancing. Marami ang gumagala kahit hindi naman mahalaga ang pupuntahan. Pati ang obserbasyon ng curfew ay binabalewala. Itong lahat ay naganap noong inangat ng ating pamahalaan sa GCQ ang bansa. Resulta? Pangalawa na tayo sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa ASEAN. Ang bansang Indonesia ang nangunguna. 106,330 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa pinakabagong ulat ng DoH. Marami ang nagsasabi na nabalewala ang sakripisyo nang gawing ECQ ang bansa noong Marso hanggang sa buwan ng Mayo.
Pero nabagabag ang aking pag-iisip. Noong inaanunsiyo ni Duterte na babalik tayo sa MECQ kagabi tila doon na-praning ang karamihan ng ating mga kababayan. Kahapon ay grabe ang trapik sa lansangan. Siksikan sa mga supermarket, bangko, botika at gasolinahan. Bakit?! Dahil magiging MECQ na tayo sa susunod na araw? Bakit karamihan sa atin ay naging praning na ibabalik tayo sa MECQ?
Eh kung naging patuloy tayo sa pagiging-praning laban sa COVID-19 noong nasa GCQ pa tayo, hindi hahantong sa sitwasyon na ibalik tayo sa MECQ. At kapag patuloy pa rin tayong pasaway, namumuro na ibalik tayo sa ECQ. Ganoong kasimple po.
Bigyang halaga natin ang sakripisyo na ginagawa ng ating mga frontliner. Sila ang nahihirapan kapag hindi natin sila tutulungan. Simple lang naman ang hiling nila. Palaging panatilihin natin ang kalinisan. Maghugas ng kamay palagi. Umiwas sa matataong lugar. Panatilihin ang magandang kalusugan. Mag-ehersisyo. Kung maari ay bawasan ang pag-gala sa labas. Mahirap ba ‘yun?!
Kaya nga tila wala sa lugar ang pagka-praning ng ating mga kababayan kahapon nang mag-dagsaan sa paghahanda sa MECQ. Nagdulot ng kakaibang trapik sa lansangan. Dapat, ang paghandaan natin araw-araw ay kung papaano tayo hindi magsakit ng COVID-19.
Comments are closed.