(Ilalabas ng DTI sa mga susunod na linggo)BAGONG SRP SA BASIC, PRIME COMMODITIES

INAASAHANG ilalabas ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga susunod na linggo ang bagong suggested retail price (SRP) sa basic at prime commodities.

Ayon sa DTI, may 14 na manufacturers ang humirit ng taas-presyo sa kanilang mga produkto, at may hinihintay na lamang na dokumento ang ahensiya mula sa naturang mga manufacturer bago aksiyunan ang kanilang kahilingan.

Kabilang sa mga posibleng magtaas ng presyo ang canned goods, kape, sabon, at asin.

“There are representatives of each category in the basic necessity SRP bulletin,” pahayag ni Marcus Valdez II, director ng Consumer Protection and Advocacy Bureau sa DTI.

Samantala, nilinaw ni Valdez na hindi pa pinal kung magkano ang magiging dagdag sa presyo ng tinapay.

Ito ay makaraang ihayag ng Philippine Baking Industry Group (Philbaking) na inaprubahan na ang taas-presyo sa Pinoy tasty at Pinoy pandesal.

Ayon kay Valdez, aprubado na “in principle” ang taas-presyo sa Pinoy tasty at Pinoy pandesal ngunit hindi pa niya masabi kung magkano.

Ang mga baker ay humihiirit ng P4 dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto.

Nakatakda ring ilabas ng DTI ang price guide sa Noche Buena products, kung saan ang hamon ang inaasahang may pinakamalaking dagdag-presyo.