(Ilalagay ng Comelec) HIWALAY NA VOTING AREA SA SENIORS, BUNTIS

MAYROONG itatayong hiwalay na lugar ang Commission on Elections (Comelec) para sa mga person with dis­ability o may kapansanan, nakatatanda at buntis na boboto sa May 9 national at local elections.

Sa ilalim ng Comelec Resolution 10761, may ilalagay na Emergency Accessible Polling Places o EAPP sa mga voting center para sa PWDs, senior citizens, at heavily-pregnant o buntis na malalaki na ang tiyan.

Ang Emergency Accessible Polling Places ay maaaring isang silid o pansamantalang lugar na nasa unang palapag o ground ng voting center o nasa labas na madaling mapupuntahan ng mga may kapansanan, nakatatanda at buntis sa araw ng eleksiyon.

“The Commission shall ensure that the vo­ting procedures in the EAPP, including the facilities and materials therein are appropriate, accessible and easy to understand and use, and that reasonable accommodation shall be granted to persons with disabilities, senior citizens and heavily pregnant voters in order that they may fully exercise their right to suffrage,” ayon sa resolus­yon ng Comelec.

Ayon sa Comelec, isang EAPP ang dapat itayo sa isa hanggang pitong barangay; dalawa para sa walo hanggang 14 na barangay at tatlo para sa 15 barangay pataas.

Kailangan umanong may maluwag na espasyo para sa hindi bababang sampung PWD, senior citizen at heavily pregnant na botante at kasama rito ang gagamit ng wheelchair at aalalay sa kanila.

Mahalaga ring konsiderasyon na dapat ay mayroong rampa, malalaking karatula, directional signs sa entrada, may washroom at Filipino Sign Language interpreter.

Ang pagboto sa EAPP ay simula alas-sais ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at kung satellite EAPP naman ay hanggang alas-dos ng hapon. JEFF GALLOS