UMAKYAT na sa pito ang kinilalang suspek sa hazing incident na ikinasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio sa loob ng Philippine Military Academy sa Fort Greforio del Pilar, Baguio City.
Habang nalantad naman na may ilang plebo ang naka-confine ngayon sa station hospital matapos na sumailalim sa medical examination kasunod ng kautusang ibinaba ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sa impormasyong ibinahagi ni Police Col. Allen Ray Co, Baguio City Police Office Director, ang ika-pitong suspek na isang upper classmen na pansamantalang hindi muna papangalanan na umano’y isa sa nanakit kay Dormitorio, 20-anyos, bago ito dalhin sa ospital noong Setyembre 17 .
“May lumabas na naman ulit na 2nd class cadet involved allegedly sa maltreatment na nangyari kay Cadet 4th Class Dormotorio,” ayon kay CAR-PNP Regional Director P/ Brig. Gen Israel Ephraim Dickson.
Kaugnay nito, nakatakdang magtungo ang pamilya ni Dormitorio sa Baguio City Police Office para pormal na maghain ng reklamo laban sa mga suspek.
Samantala, sa isang radio interview kay BGen Romeo Brawner, ang bagong PMA commandant of cadets, lumitaw na may mga plebo na nakitaan ng mga marka na nagsasabing sumailalim sila sa maltreatment matapos na dumaan sa physical examination.
“Ayokong maging specific e, ayokong maging specific muna kasi parang may investigation din ‘yan e, iimbestigahan namin, pero ang masasabi ko is that tapos na ‘yung investigation, ‘yung examination na ‘yun, may mga naconfine na ngayon na plebo, tapos may mga upperclassmen na nakakulong… nasa holding area sila habang investigation is on going,”ani Gen Brawner.
Bukod sa tatlong kadete na naka-confine sa hospital ay mayroon pa umanong ilang plebo ang nasa pagamutan subalit maayos naman na ang kanilang mga kalagayan.
“Iba pa ‘yun, iba pa ‘yun oo, ayoko munang magbigay ng number kasi alam mo, ‘yung parent nag-aano na e, ang daming nag-aalala na parents, naku baka ‘yung anak ko ‘yung isa mga nasaktan… pahayag pa ng opisyal.
Nabatid pa na nagpapatuloy rin ang imbestigasyon sa iba pang upper classmen na posibleng sangkot din sa pananakit sa ibang plebo .
Gayunpaman, tiniyak ni Brawner sa mga magulang na wala nang magaganap na pananakit sa kanilang mga anak.
“We will take care of them so hindi na kailangang i-pull out pa,” anang opisyal.
Magugunitang nagdeklara si Gen Brawner ng giyera kontra hazing “my campaign against hazing, ‘yung war against hazing ko, ano ba ang pinaka-objective nito is to have zero hazing incidents”. VERLIN RUIZ
Comments are closed.