(Ilang araw bago ang pagtatapos ng fishing ban)INANGKAT NA GALUNGGONG DUMATING NA

galunggong

INIHAYAG ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na dumating na ang 55% o 13,856.64 sa 25,056.27 metric tons (MT) ng galunggong na inangkat noong Nobyembre 2022, ilang araw bago ang pagtatapos ng three-month closed fishing season sa Palawan.

Sa isang pahayag, sinabi ng DA-BFAR na ang pag-aangkat ng frozen round scad, bigeye scad, mackerel, bonito, at moonfish para sa mga wet market ay naaayon sa certificate of necessity to import na nilagdaan ng DA noong Nobyembre 10, 2022 at epektibo hanggang Enero 31, 2023.

Pinahintulutan ng BFAR ang pag-aangkat upang madagdagan ang supply ng galunggong sa gitna ng inaasahang limitadong availability dahil sa taunang pagpapatupad ng closed season ng pangingisda sa Northeast ng Palawan.

Sa kabila umano ng patuloy na pagpapatupad ng closed season, nananatiling stable ang presyo ng galunggong sa mga lokal na isda na nagkakahalaga ng P280 kada kilo habang ang mga imported ay mula P220 kada kilo hanggang P240 kada kilo.

Ang closed fishing season sa Northeast ng Palawan ay nagsimula noong 2015 sa bisa ng pinagsanib na Order 1 ng DA at Department of the Interior and Local Government (DILG) Administrative upang bigyan ng panahon ang mga species na magparami at lumaki sa panahon ng pangingitlog at upang matiyak ang sapat na suplay sa bansa.

“Throughout the closed fishing season, DA-BFAR’s regional office in Palawan conducted continuous patrol operations in the conservation area,” dagdag ng ahensiya.

EVELYN GARCIA