KINUMPIRMA ng Armed Forces of the Philippines (AFP)- Western Command na nakabase sa Palawan nilisan na ng ilang barko ng China ang Ayungin Shoal.
Ito ay nang maging kontrobersiyal ang pagharang at pagbomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa dalawang barko ng Pilipinas na maghahatid sana ng supply para sa mga sundalong naka station sa lugar.
Ayon kay Vice Admiral Roberto Enriquez, commander ng Western Command (WesCom), batay sa kanilang monitoring as of 12 midnight nitong Linggo nasa dalawang Chinese vessels na lamang ang aaligid sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Enriquez na ang mga Chinese militia vessels ang nagsi alisan sa nasabing lugar tanging ang Chinese Coast Guard ang nanatili.
Siniguro naman ng Wescom kasunod ng insidente ay magpapadala sila ng mga barko na magpapatrulya sa nasabing lugar.
Naniniwala ang Navy Chief na may ibang mensahe na nakarating sa bansang China kaya nag-pull out yung ibang vessel nila.
Siniguro naman ni National Security Adviser Sec Hermogenes Esperon Jr. na magpapatuloy ang gagawing resupply mission sa kabila ng insidente na kinasangkutan ng Chinese Coast Guard.
Samantala, nitong Sabado, ilang mga barko ng China ang namataan sa karagatan malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.