NABULAGA ang ilang gasolinahan sa Metro Manila nang suyurin ito ng mga tauhan ng Department of Energy (DOE) para tiyakin ang kalidad at kung sakto ang ikinakargang petrolyo sa mga sasakyan.
Isa sa pinuntahang gasolinahan ay isang istasyon ng Shell sa may Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Tiningnan ng mga kawani ng DOE kung naaayon ang mga kinuha nilang sample ng langis sa kalidad na itinakda ng Philippine Clean Air Act at Biofuels Act.
Sinukat din ng DOE kung tama ang volume ng produkto na lumalabas sa pumps at ikinakarga sa mga sasakyan ng mga motorista.
Gusto kasing matiyak ng mga motorista, halimbawa, kung 10 litro nga ba ang ikinarga, kung pang-10 litro ang binayaran, kaya dapat umano ay calibrated ang pumps.
Isinunod na ininspeksiyon ng mga kawani ng ahensiya ang isang istasyon ng Phoenix Petroleum, at istasyon ng Uno Fuel na kilalang mura ang bentahan ng diesel at gasolina.
Samantala, nagbabadya namang magkaroon ulit ng dagdag-singil sa langis sa susunod na linggo, batay sa unang dalawang araw ng trading kung saan lumabas na lalong nagmahal ang imported fuel.
Ayon sa report, maaari pa raw magbago ang galaw ng presyo ng petrolyo depende sa bentahan sa pandaigdigang merkado hanggang Biyernes.
Inamin naman ni Renante Sevilla, head ng retail market monitoring sa DOE, na wala silang magawa para pigilin ang pagtaas ng langis dahil inaangkat lamang ito.
Comments are closed.