ILANG GRAB DRIVER UMAARAY NA DAHIL LUGI

GRAB-DRIVER

UMAARAY na ang ilang driver ng Grab dahil nalulugi na sila umano sa pagkakasuspende ng dati nilang singil na P2 bawat minuto at nakabinbin naman ang hiling na dagdag-singil sa pamasahe.

Kamakailan lamang, idinaing ng mga nagre­reklamong  Grab driver ang  pagbaba ng kanilang kita sa Kamara.

Ayon sa pinuno ng mga driver ng Grab na single mother mali raw ang konsepto dahil bilang single mom at ang pagda-drive ang kanyang bread and butter, wala na raw siyang naiuuwi. Kung dati-rati ay nakapagbabayad daw siya ng kanyang bills sa isang linggong pagda-drive, hindi na raw siya kumikita ngayon kahit nagmamaneho siya ng 20 oras.

Kung kumikita raw siya dati ng P18,000 bawat linggo, ngayon ay halos P400 kada araw na lang ang kanyang naiuuwi.

Ibinabawas na umano ang gastos sa gasolina, amortization ng sasakyan, load para sa internet, por-siyento ng Grab at dagdag pa ang maintenance ng sasakyan.

Ayon naman sa Grab, plano na nilang saluhin ang nawalang kita ng kanilang partner-drivers nang pansamantala. Ibabase umano ng Grab ang kanilang ayuda sa oras ng biyahe para mas maki­nabang ang drayber na madalas na naiipit sa mabagal na trapiko.

“Rush hour dahil distance-based ang ating pricing, ‘yong distance ay 30 minutes pero ang presyo ay nasa 90 pesos. Ang dapat sa 30 minutes na fare ay 150 to 155 so ‘yung butal na nasa 60 to 65 pesos, si Grab po ang magbibigay sa driver,” paliwanag ni Brian Cu, country head ng Grab Philippines.

Nilinaw din niya na walang ipapasa na dag­dag-pasahe sa mga pasahero kapag ipinatupad nila ang nasabing ayuda sa driver. Inaasahan naman ng Grab na sana raw ay mabawasan ang pasaway nilang mga driver.

Dagdag pa ni Cu na sana raw ay maayos ang mga ugali ng ilang Grab drivers, na umaasa siya na magkaroon ng “pay it forward effect” at ma­ging masaya sila sa biyahe at makapag-render ng ma­gandang serbisyo sa mga pasahero.

Kasabay nito, nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver ng transport network vehicle service (TNVS) na kailangan nilang iprose­so ang kani-kanilang dokumento dahil mas paiigtingin ng ahensiya ang panghuhuli sa mga kolorum na sasakyan simula ngayong Agosto.

Comments are closed.