ILANG GUMALING SA DELTA VARIANT, NAGPOSITIBO ULIT SA COVID-19

ILAN  sa mga Delta variant cases na una nang iniulat na nakarekober na mula sa karamdaman ay nagpositibo ulit sa COVID-19.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa kanyang pagdalo sa Laging Handa public briefing.

Ayon kay Vergeire, siyam na local Delta variant cases at limang returning overseas Filipinos (ROFs) na na-tagged na as recovered ang ipinasailalim nila sa repeat quarantine at COVID-19 test.

Sinabi ni Vergeire na sa inisyal na resulta na natanggap ng DOH, mayroon sa mga ito ang nagpositibong muli sa virus.

Sa ngayon ay inaalam na nila ang Ct value ng mga ito upang matukoy kung eligible bang isailalim muli sa genome sequencing.

Tiniyak niya na mananatiling isolated ang mga pasyente hanggang sa magnegatibo na sila sa virus matapos ang 14 na araw.

“Among the initial results that we have received, meron po sa kanilang nag-positive pa rin,” ani Vergeire. “Chine-check natin ang Ct values and they will remain to be isolated until they turn negative after 14 days.”

Ipinaliwanag ni Vergeire na sa ilalim ng updated protocols, ang mga indibidwal na nakarekober na matapos na magpositibo sa isang variant of concern ay kailangan muling sumailalim sa panibagong quarantine at COVID-19 testing.

Mananatili aniyang isolated ang mga ito habang naghihintay ng resulta.

Ang mga magnenegatibo sa RT-PCR tests, wala ng sintomas ng sakit at nakakumpleto na ng minimum na 10-day isolation ay maaaring i-discharged mula sa isolation.

“Contact tracing done shall be reviewed to identify RT-PCR positive close contacts whose samples may be eligible for sequencing. Testing with RT-PCR was advised by our experts at [the] end of 14-day quarantine,” aniya pa. Ana Rosario Hernandez

39 thoughts on “ILANG GUMALING SA DELTA VARIANT, NAGPOSITIBO ULIT SA COVID-19”

Comments are closed.