IPASASARA ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang ilang kalsada sa lungsod upang bigyang daan ang pagsasagawa ng prusisyon ng Sto. Niño ngayong araw.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, pansamantalang hindi na muna papapasukin ang mga motorista sa F.B. Harrison St. mula Buendia hanggang EDSA at Arnaiz Avenue mula Roxas Bouevard mula alas 11:00 ng umaga hanggang sa takdang oras na matapos ang prusisyon ng Sto. Niño.
Magsisimula ang prusisyon ng Sto. Niño alas-3 ng hapon at aalis sa Pasay City Hall kung saan babaybayin ang F.B. Harrison patungong EDSA, babaybayin ang EDSA at kakanan ng Roxas Boulevard at kakaliwa ng Buendia papuntang Liwasang Ipil-ipil sa lungsod.
Ang imahen ng Sto. Niño ay dinala sa Pasay City Hall noong Enero 15 at nanatili ito ng tatlong araw bago ito inilipat sa Pasay City Astrodome kung saan nagkaroon ng misa at novena na pinangunahan ni Bishop Leopoldo C. Jaucian ng Diocese of Bangued.
Mahigit 100 imahen ng Sto. Niño ang naka-display sa Pasay City Astrodome na binuksan sa publiko noong Enero 19 mula ala-1 ng hapon hanggang alas- 9 ng gabi. MARIVIC FERNANDEZ