ILANG KALSADA SA TAGUIG CITY ISASARA SA MMFF PARADE OF STARS

MMDA-5

INILABAS na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang listahan ng ilang pangunahing kalsada sa Taguig City na dapat iwasan ng mga motorista sa darating na Disyembre 22 na maaapektuhan dahil sa Metro Manila Film (MMFF)’s Parade of Stars.

Ang naturang aktibidades ay pangungunahan ng pamahalaang lokal ng Taguig.

Parte ng parada ang mga float kasama ang mga artista ng official movie entries ng film festival ngayong 2019.

Ang mga kalsadang maaapektuhan ay ang mga sumusunod: ML Quezon (mula Dr. A. Santos hanggang MRT);  MRT (mula M.L Quezon hanggang Cuasay);  Cuasay (mula MRT hanggang C-5); at C-5 Service Road cor. Cayetano Boulevard.

Ayon sa MMDA, bandang 12:00 ng tanghali ay magsisimula ang parada sa Lakeshore C-6, kumanan sa M.L Quezon Avenue, kumaliwa sa MRT Ave­nue, at kumanan sa Cuasay, kumanan sa CP Garcia (C-5) Service Road, saka kumaliwa sa Upper Mckinley Road, kumanan sa Lawton Avenue – 5th Street, kumanan sa Mckinley Parkway, kumaliwa patungong 32nd Street, kumaliwa sa 7th Avenue, kumanan sa 26th Ave­nue, kumaliwa sa 5th Avenue, kumanan sa LeGrand Avenue at Chateau Road.

Sa pahayag ng MMDA, papayagan naman ang counterflow vehicles sa mga sumusunod na kalye: Upper Mckinley Road mula C-5 hanggang Lawton Ave­nue; Lawton – 5th Street mula Upper Mckinley hanggang Mckinley Parkway; at 32nd Ave­nue (mula Mckinley Parkway hanggang 7th Avenue).

Pahayag ng MMDA na ipatutupad ang stop-and-go traffic scheme sa C-5 – Upper Mckinley, C-5 Service Road – Sampaguita bridge, Mckinley Parkway – 26th Avenue.

Dahil sa inaasahang traffic ay pinayuhan ang mga motorista ng MMDA na dumaan muna sa mga alternatibong ruta para hindi maabala.

Dagdag pa ng MMDA na muli namang bubuksan para sa mga motorista ang mga apektadong kalsada bandang 7:00 ng gabi. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.