(Ilang kawani apektado ng COVID-19) SERBISYO NG NAVOTAS HOSPITAL LIMITADO

INANUNSYO ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na malilimitahan ang serbisyo ng Navotas City Hospital matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang kawani nito.

Ayon sa pamahalaang lungsod, walang elective surgery o mga operasyon na nakaplano nang maaga at wala munang tatanggapin na normal o cesarian delivery.

Ang mga manganganak ay maaaring i-refer sa Tanza Lying-in o sa One Hospital Command.
Limitado rin ang tatanggaping admission. Prayoridad ang mga pasyente sa Internal Medicine. Ang laboratory at X-ray ay limitado sa mga pasyente lamang sa ER at Admission.

Kaugnay nito, mas paiigtingin ng pamahalaang lungsod ang paggamit ng telemedicine para sa Outpatient Department. I-check lang ang link na ito para sa Navotas City Hospital Telemedicine https://tinyurl.com/NavCH-Telemed habang magpapatuloy naman ang pagbabakuna sa lobby ng ospital.

Humihingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang Pamahalaang Lungsod at hinihiling nito ang patuloy na pag-iingat ng lahat, lalo na ang pagsunod sa safety at health protocols.

Mula Enero 8, umabot na sa 18,607 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa lungsod, 914 dito ang active cases, 17,127 ang mga gumaling at 566 naman ang binawian ng buhay. EVELYN GARCIA