ILANG LALAWIGAN SA LUZON, ISINAILALIM SA ORANGE RAINFALL WARNING

ISINAILALIM sa orange rainfall warning ang maraming mga probinsya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, dahil sa epekto ng bagyong Carina at Habagat.

Batay sa abisong inilabas ng National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC), nagbabanta ang malalakas na pag-ulan sa mga naturang probinsya sa maghapon.

Kinabibilangan ito ng Occidental Mindoro sa Region 4B, Ilocos Norte at Ilocos Sur sa Region 1, Abra at Apayao sa CAR, at Batanes, Babuyan Group of Islands, at Northern Cagayan sa Region 2,

Ayon sa NDRRMC, malaking bahagi ng mga naturang lugar ang makakaranas na mabibigat na pagbuhos ng ulan kaya’t pinapayuhan ang publiko na maging maingat at bantayan ang sitwasyon sa mga katubigan, lalo na sa mga mabababang lugar.

Inaabisuhan din ng NDRRMC ang publiko na bantayan ang mga ilalabas na direktiba at abiso ng mga ahensiya ng pamahalaan na nakabantay sa kalagayan ng panahon, kasama na ang mga lokal na pamahalaan.
EVELYN GARCIA