BICOL REGION – BUNSOD ng tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa weather system na shear line, binaha ang ilang lugar sa rehiyong ito.
Sa datos na nakuha ng PILIPINO Mirror, ang mga lugar na bumaha dahil sa pag-apaw ng mga ilog sa Catanduanes ay ang mga Barangay Almuela Viga, Obo, Dayawa at Patagan sa bayan ng San Miguel.
Tumaas din ang tubig sa Bato river kaya binaha ang mga residente sa paligid nito.
Naantala rin ang paggawa sa dike na nasa Barangay Hicming sa bayan ng Virac.
Hindi na rin madaanan ang kalsada sa Talisay Bato, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction.
Samantala, lubog din sa baha ang ilang mga barangay sa Sorsogon City dahil pa rin sa walang patid na buhos ng ulan dulot ng nasabing sama ng panahon.
Kaugnay nito, kabilang sa mga lugar na binaha sa Sorsogon City ay ang Baribag sa Brgy. Bibincahan, Isla de Higante sa Brgy. Burabod; Brgy. Salog, at Brgy. Buhatan sa East District.
Habang lubog din sa baha, ang ilang bahagi sa Brgy. Piot, Brgy. Polvorista, Brgy. Gimaloto, Brgy. Rizal, Brgy. Pamurayan at Brgy. Tugos sa West District.
Kasabay ng mga pagbahang ito ay ang pagkaantala rin ng ilang maliliit na motorista partikular sa Brgy. Abuyog, East District, at Brgy. Pangpang, West Sistrict kung saan biglang tumaas ang tubig sa kalsada dahilan para bumagal ang usad ng ilang mga sasakyan.
Marami na rin ang lumikas sa mga evacuation center mula sa iba’t ibang barangay na inabot ng baha.
EUNICE CELARIO