ILANG lugar sa Calabarzon ang nagsuspinde ng klase o face-to-face classes ngayong Lunes, Agosto 19 dahil sa mataas na antas ng vog o volcanic smog mula sa Bulkang Taal.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang bulkang Taal ay nagluwa ng 3355 tonelada ng mainit na volcanic fluids o sulfur dioxide sa Main Crater Lake na nagdulot ng VOG kaninang alas 12:00 ng hatinggabi.
Dahil dito, walang pasok ang mga sumusunod na lugar:
BATANGAS
– Balete: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– Laurel: Walang klase mula preschool hanggang senior high school, pampubliko at pribado.
– Nasugbu: Walang face-to-face na klase mula elementarya hanggang kolehiyo, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– San Jose: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– San Luis: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– Sto. Tomas: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– Tanauan City: Walang klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado.
CAVITE
– Silang: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– Dasmariñas City: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
– Indang: Walang face-to-face na klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado; lilipat sa modular/online na pag-aaral.
LAGUNA
– Cabuyao (elementarya-senior high school, pampubliko at pribado)
Sinabi ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol na nakatanggap ang kanilang ahensya ng mga ulat ng vog sa mga bayan ng Laurel, Tuy, Calaca, San Luis, Balayan, Lemery, Talisay, Agoncillo, San Nicolas, Balete, Sta. Teresita, Malvar, Alitagtag at Batangas.
“Kanina, medyo mabagal ‘yung hangin, at makapal ‘yung steaming na naibuga ng Bulkang Taal kaya nagkaroon ng haze sa mga bayan na nabanggit ko, nagkaroon ng vog” ani Bacolcol.
Ayon sa Phivolcs, ang vog ay isang uri ng volcanic smog na binubuo ng maliliit na patak na naglalaman ng volcanic gas tulad ng sulfur dioxide.
Ang vog ay acidic at maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract, depende sa konsentrasyon ng gas at tagal ng pagkakalantad.
RUBEN FUENTES