NAKAHANDA nang muling magbukas ang ilang malls sa Metro Manila, Laguna at Cebu City ngayong araw (Mayo 16) makaraan ang dalawang buwang pagsasara dahil sa enhanced community quarantine dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa paglipat ng tatlong naturang mga lugar sa modified enhanced community quarantine, ang non-leisure shops sa malls ay pinapayagan na ngayong magbukas ulit sa 50-percent capacity.
Balik-operasyon na rin ang mga restaurant subalit para sa takeout o drive-through purchases lamang.
Ilang SM Stores, Megaworld malls at iba pang commercial centers sa buong bansa ang nakatakdang muling magbukas na may mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan para matiyak na ang mga shopper, retail partner, at employee ay mapoprotektahan laban sa COVID-19.
Ang pagsusuot ng face masks, pag-check ng temperatura, at paggamit ng disinfectants at sanitizing foot mats ay kailangan bago makapasok sa malls.
Mahigpit ding ipatutupad ang physical distancing kung saan may markers na nakalagay sa mga sahig para gabayan ang mga tao kung saan sila tatayo at ipakita kung gaano dapat kalayo ang mga shopper sa isa’t isa.
Ayon sa SM, ang kanilang malls ay nilinis at dinisinfect bago ang reopening.
Ang lahat ng kanilang empleyado at agency frontliners, tulad ng janitors at security guards, ay sasailalim umano sa antibody rapid testing.
Sa inaasahang pagbuhos ng mall-goers, pinaigting ng pulisya ang visibility nito sa mga establisimiyento, lalo na sa mall entrances, upang matiyak na sumusunod ang publiko sa mga panuntunan.
“We need the cooperation of our kababayan. We call on them to still avoid unnecessary travel. If it is not that important, it is still better to stay at your homes,” wika ni Joint task force COVID Shield Commander PLt.Gen. Guillermo Eleazar.
Comments are closed.