ILANG MANUFACTURER NG DE-LATA GUSTO NG PRICE INCREASE BAGO PRICE FREEZE

DTI Undersecretary Ruth Castelo

KASUNOD ng kasunduang magpapako ng presyo sa mga de-lata sa loob ng tatlong buwan, gusto ng ilang manufacturers na magkaroon muna ng dagdag presyo bago ito magsimula.

Hiniling sa Department of Trade and Industry (DTI) ng mga kompanya ng Youngstown, Mega, at Toyo na magkaroon ng dagdag na P2 kada lata bago pa ipagbawal ang pagtaas sa pres­yo ng mga ito hanggang buwan ng Nobyembre.

Iginiit naman ni DTI Undersecretary Ruth Cas­telo hindi basta-basta mapagbibigyan ang mga kompanya.

“Kung sino lang ‘yong legitimate requests na kayang i-justify ng documents nila ‘yong request nila for increases, saka lang natin pagbibigyan,” paliwanag niya.

Samantala, sa Dis­yembre ay maaari namang magtaas ng presyo ang mga kompanya dahil sa inaasahang pagtaas ng demand sa mga bilihin.

Gusto namang sagarin ng grupong Laban Konsyumer hanggang pagkatapos ng taon ang “price freeze.”

Inaasahang ilalabas ng DTI ngayong araw ang bagong Suggested Retail Price (SRP) sa mga bilihin.

Inalmahan naman ng Laban Konsyumer ang bagong SRP dahil ‘di umano’y pinayagan ng DTI na magtaas muna ng presyo bago pa ito mapako. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.