ILANG OPISYAL NG PARAÑAQUE CITY IDO-DONATE ANG SUWELDO PARA SA APEKTADO NG ECQ

Edwin L. Olivarez

BILANG pagsunod kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdo-donate ng isang buwang sahod, iminungkahi ni Parañaque City Treasurer Anthony ‘Anton’ Pulmano kay Mayor Edwin L. Olivarez na sumunod sa hakbang ng Punong Ehekutibo.

Nanawagan si Olivarez sa iba pang opisyal ng lungsod na tularan ang Pangulo kaya agad ding sumang-ayon sina Vice-Mayor Rico Golez at City Administrator Atty. Fernando ‘Ding’ Soriano kung saan napagkasunduan ng mga ito na i-donate ang kanilang sahod sa buwan ng Abril.

Ang iba pang opisyal ng lungsod na nangakong magdo-donate ng kanilang sahod sa buwan ng Abril ay sina Business Permit and Licensing Office chief Atty. Melanie Malaya, City Accountant Malou Tanael, City Health Office chief Dr. Olga Virtucio, City Budget Office head Ronnie Depano, City General Services Office (GSO) chief Lisa Pojanes, City Engineer Aser Mallari, City Assessor Joey del Rosario, City Building Official head Engr. Jamela, City Legal Officer Rommel Frias at ABC President Kap. Cris Aguilar.

Sa kasalukuyan, ang Parañaque ay mayroon ng 155 na kaso ng nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) habang pumalo naman sa 14 ang namatay.

Ang bilang ng mga persons under investigation (PUI) sa lungsod ay umabot na sa 368, samantalang 424 naman ang naitalang persons under monitoring (PUM). MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.