BASILAN- PINANGANGAMBAHANG lolobo pa ang bilang ng nasawi sa nasunog na MV Lady Mary Joy dahil hindi pa ganap na nagagalugad ang kabuuan ng nasunog na pampasaherong barko.
Nabatid na kabilang sa mahigit 30 reported death sa midsea fire ang ilang pulis at sundalo na sakay ng nasunog na pampasaherong barko.
Base sa initial tally na nakalap ng operating teams mula Philippine Navy at Philippine Coast Guard nasa 243 passengers ang kanilang na rescue at 30 rito ay mga tauhan ng Philippine Army.
Kahapon, patuloy pa ring pinaghahanap ang dalawang sundalo na inulat na missing sa fire incident bukod sa dalawang tauhan ng Philippine Army ang kabilang sa injured.
Papunta ng Sulu galing ng Zamboanga ang MV Lady Mary Joy 3 nang masunog ito noong gabi ng Miyerkules kung saan mahigit 200 na pasahero at crew ng barko ang nailigtas.
Kinumpirma ni Nixon Alonzo ng Basilan PDRRMO, hindi pa nakikita ang kabuuan ng area ng nasunog na ferry kung saan may mga nakita pang biktima.
May mga pasahero pa rin umano na posible na-trap at na nasa mga area ng barko na hindi pa na-explore ng rescue team .
Ani Alonzo, wala pang detalye kung ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima ay ang pagkakakulong sa loob ng passenger ship o pagkalunod.
Nabatid pa na majority din ng mga pasahero ay mga Muslim. May mga bangkay umano na ang na-claim at dinala sa Sulu. VERLIN RUIZ