HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang Department of Trade and Industry (DTI) na paigtingin pa ang mga biglaang inspeksiyon sa mga nagtitinda ng school supplies na lumalabag sa bagong price guide nito na isang buwan pa lamang naipalalabas.
Sinabi ni Marcos na magsasamantala ang mga negosyante sa unang linggo ng pagbubukas ng klase lalo na’t magkukumahog ang mga estudyante at mga guro na kumpletuhin ang kanilang mga gamit pang-eskwela.
“Iniisnab ng mga tindera ang price guide ng DTI, ” ani Marcos kaugnay sa ‘Gabay sa Pamimili ng School Supplies sa 2023’ ng kagawaran.
Ang tanggapan ng senadora ay nagsagawa ng monitoring sa presyo ng school supplies sa ilang palengke sa Metro Manila nitong weekend hanggang kahapon.
Ang mga notebook ay nagkakahalaga ng P23 hanggang P60 bawat isa o mas mataas ng hanggang P8 kaysa sa P23 hanggang P52 na nakalista sa gabay-presyo ng DTI.
Mas mura ang pad paper ayon sa gabay-presyo ng DTI, na nagkakahalaga ng P20 hanggang P28 pero umabot ng P35 ang presyo nito lalong-lalo na sa mga palengke sa Caloocan at Rizal.
Ang mga krayola na iba’t iba ang dami ay nagkakahalaga ng P30 hanggang P100 kada lalagyan, samantalang sa gabay-presyo ng DTI ay P24 hanggang P69 lamang ito.
Gayunpaman, ang mas mababang presyo, tulad ng iba’t ibang lapis at ballpen, ay mabibili sa P7 hanggang P11 kumpara sa listahan ng DTI na nagkakahalaga ng P11 hanggang P17.
Sa mga naghahanap ng mura sa Divisoria na bumibili ng maramihan, ang regular na mga notebook na dati’y nagkakahalaga ng P180 hanggang P200 kada ream ay mabibili ngayon sa halagang P250 samantalang ang spiral na mga notebook na dati’y nagkakahalaga ng P180 hanggang P220 kada ream ay nagkakahalaga ng hanggang P300.
Pinuri ni Marcos ang DTI sa mga biglaang inspeksiyon nito sa Divisoria at iba pang palengke sa nakaraang dalawang linggo ngunit sinabi na pagkatapos ng inspeksiyon, muling nagtaasan ang mga presyo.
“Ilang magulang ang mismo nang nagsabi na wala rin silang magawa kahit ipamukha sa mga nagtitinda ang gabay-presyo ng DTI,” sabi ni Marcos.
“Klaro na mas kailangang tutukan pa,” dagdag pa ng senadora.
-VICKY CERVALES