Sikat na sikat na nang mga panahong iyon si Thomas Edison dahil sa pagkaimbento niya sa incandescent lamp — yung bombilyang dilaw ang liwanag na bihira nang gamitin sa panahong ito. Noong kasing araw ay lampara at kandila pa lamang ang ginagamit upang lumiwanag ang gabi. Hindi kataka-takang tinawag siyang great inventor dahil sa electric bulb.
Ngunit noong 1896, may ginagawa siyang car design na hindi niya matapos-tapos. Doon niya nalamang may isang kabataang lalaking nagtatrabaho sa kanyang kumpanya ang nakalikha ng experimental car. Agad ipinatawag ni Edison ang nasabing lalaki na Ang pangalan pala ay Henry Ford.
At nagkita nga sila sa isang company party sa New York, at syempre, ang naging topic ng kanilang usapan ay ang experimental car ni Ford.
During that time, masasabing hindi kapani-paniwala ang sinasabi ni Ford, ngunit iba si Edison. Nagandahan siya sa ideyang may posibilidad na makalikha sila ng gasoline-powered car, sa panahong ang lahat ng sasakyan, pati na ang tren at barko, ay pinatatakbo lamang ng coal.
Naniniwala si Edison na malaking tulong ang electricity bilang pangunahing power source sa hinaharap, at sa totoo lang ay hindi naman siya nagkamali.
Kaya naman pinayuhan niya si Ford na ipagpatuloy ang kanyang imbensyon, at suportado raw niya ito.
Ani Edison, “Young man, that’s the thing! You have it! I think you are on to something! I encourage you to continue your pursuits!”
At lumakas nga ang loob ni Ford dahil ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon ay ang nirerespeto at iniidolo niyang imbentor. Mula noon, halos lahat ng araw at gabi ay ginugugol ni Henry Ford sa kanyang imbensyon, sukdulang hindi na niya halos alam ang petsa sa kalendaryo. Ngunit maganda naman ang naging bunga nito. Naimbento niya ang kanyang pangarap na sasakyan, yumaman siya at natala pa sa kasaysayan.
Noong December 9, 1914, tinupok ng apoy ang laboratoryo at factory ni Edison. Ang edad niya noon ay 67 years old.
Napakalaki ng pinsala at hindi kinaya ng insurance na i-cover ang lahat.
Ngunit bago pa lumamig ang mga abo ng nasunog na mga gusali, inabutan ni Henry Ford si Edison ng tsekeng nagkakagalaga ng $750,000 na may kasamang sulat: “Kung kulang pa po, magsabi lang.”
Noong 1916, lumipat ng bahay si Ford at ang pinili niya ay itong katabi ng bahay ni Edison, kaya araw-araw silang nakakapagkwentuhan habang umiinom ng kape. Nagpapalitan din sila ng mga kuru-kuro sa mga nangyayari sa kapaligiran.
Dahil matanda na, naospital si Edison at na-confine sa wheelchair.
Upang aliwin si Edison, bumili rin si Ford ng wheelchair para makapagkarera sila sa garden.
Tumatanaw ng malaking utang na loob si Henry Ford kay Thomas Edison dahil naniwala ito sa kanya at tinuruan din siya nitong maniwala sa kanyang sarili. Malaki ang agwat ng kanilang edad, totoo yon, ngunit hindi doon nasusukat ang pagkakaibigan. At ang friendship na nabuo nina Ford at Edison — talagang for life.
Ang dahilan nito ay ang pagiging hindi sakim ni Edison. Nang hindi niya mabuo ang iniimbento niyang kotse, sa halip na mainggit kay Ford ay itinulak pa niya ito at binigyan ng inspirasyon upang matupad ang kanyang layunin. Siguro, katwiran ni Edison, kung hindi niya mabubuo ang kanyang kotse, tutulungan na lamang niya si Ford na mabuo yung kanya. Parang “If you can’t win a race, help the person in front of you break the record.”
Nagsilbing lamparang may ilaw si Edison, at ibinahagi niya ang ilaw na iyon kay Ford.
Tandaang hindi nababawasan ang liwanag ng lampara kung gagamitin mo ito para pagsindihin ang lampara ng iba. Sa halip, nakatutulong ka upang mas magkaroon ng liwanag ang madilim na gabi.
Of course, hindi lahat ng tao ay tulad ni Henry Ford na marunong tumanaw ng utang na loob. Yung iba, parang ahas na iniligtas mo sa niyebe, ngunit nang lumakas ay siya pang tumuklaw sa iyo. Maraming ganyan.
Ngunit huwag tayong magsawang ibahagi ang liwanag ng ating lampara. At kapag ginawa natin ito, sana rin ay huwag tayong umasang mayroon itong kapalit, upang hindi tayo mabigo.
— JAYZL VILLAFANIA NEBRE