NAGSAGAWA ng demolisyon sa mga itinayong ilegal na mga kubol ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Correction (BuCor), National Capital Region Police Office (NCRPO), Armed Forces of the Philippines (AFP), NCR-Bureau of Fire Protection (NCR-BFP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Public Works and Highways (DPWH), at ng Special Weapons and Tactic (SWAT) unit sa loob ng maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon.
Pinangunahan ni BuCor director P/Gen. Gerald Bantag at NCRPO director P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang naturang demolisyon ng ilegal na pagtatayo ng mga kubol dakong alas-10:00 kahapon ng umaga kabilang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Umabot sa 65 tauhan ng mga nabanggit na ahensiya ang nagtulungan sa paggiba ng mga ilegal na estruktura sa loob ng NBP gamit ang backhoe, breaker, 4 units ng dump trucks, 1 boom truck, isang air compressor, 2 jack hammers, 1 acetylene, payloader, 2 units ng backhoe loader, at 2 units ng bulldozer.
Ang nasabing demolisyon ay bahagi ng reporma ng bagong administrasyon ng BuCor na nanumpa at nangako na patatatagin ang paglilinis at pagsasaayos sa loob ng pambansang piitan.
“Hindi awtorisadong istruktura sa loob ng paligid ng NBP ay ang nakikitang sanhi ng katiwalian at hindi pantay na rehabilitation treatment sa Person Deprived of Liberty (PDL),” ani Bantag.
Ayon pa kay Bantag, tutulong na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang isinasagawang clearing operation sa loob ng NBP maximum security compound.
Narekober din sa naturang demolisyon ng ilang ilegal na droga, mga sandata, sex toys, iba’t ibang uri ng appliances tulad ng television at refrigerators gayundin ang mga bugkos na pera na hindi pa alam ang halaga.
“Nagtitipon tayo para sa mahalagang kaganapan dito sa BuCor. Ito ay makasaysayang araw and it is a great opportunity to be part of this noble undertaking,” ani Eleazar.
Ayon kay Eleazar, na kailangan talagang bigyan ng solusyon ang nagiging problema ngayon sa BuCor.
“Bilang hepe ng NCRPO, nakita ko mula sa napakarami nating operasyon na nandito sa BuCor ang mga malalaking taong nagpapatakbo sa malalaking transaksiyon na may kinalaman sa ilegal na droga. Ang tulong natin sa Bucor ay para rin sa ating ikatatagumpay sa ating kampanya laban sa droga at kriminalidad,” pagtatapos ni Eleazar. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.