ILLEGAL CAMPAIGN MATERIALS BAKLASIN

comelec

KASUNOD nang nalalapit nang pagsisimula ng campaign period para sa May 13 local elections, pinaalalahanan na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga local candidate na si­mulan na ang pagbabaklas ng kanilang illegal campaign materials.

Sa isang abiso, sinabihan ng Comelec ang mga local candidate na alisin na ang lahat ng kanilang illegal campaign propaganda sa loob ng 72-oras bago ang pagsisimula ng panahon ng kampanya  sa Biyernes, Marso 29.

Kasabay nito, nagbabala ang Comelec na kung mabibigo ang mga ito na tuma­lima ay ipagpapalagay ng poll body na sila ang nakagawa ng election offense kahit na hindi sila ang nagkabit ng mga naturang illegal campaign materials.

“The Commission on Elections reminds candidates to immediately remove all prohibited forms of election propaganda at least 72 hours before start of the campaign period,” anang Comelec.

“Otherwise, said candidate or party shall be presumed to have committed the pertinent election offense during said campaign period for local candi-dates, as the case may be,” dagdag pa nito.

Nabatid na ang local candidates na tinutukoy ng Comelec ay ang tumatakbo bilang miyembro ng House of Representatives; Provincial Governor; Provincial Vice Governor; Miyembro ng Sangguniang Panlalawigan; Mayor; Vice Mayor; Miyembro ng Sangguniang Panlungsod at Miyembro ng Sangguniang Bayan.

Ang mga ipinagbabawal namang uri ng election propaganda ay ang mga hindi sumusunod sa itinatakdang sukat ng  Comelec  gayundin ang mga wala sa deklaradong common poster areas, mga matatagpuan sa pampublikong lugar at ikinabit sa pribadong pag-aari nang walang pahintulot ng may-ari nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.